WALANG kagatul-gatol na tinukoy ni President-elect Rodrigo R. Duterte ang sinasabing mga kategorya ng mga miyembro ng media. Ipinahiwatig niya na ang mga mamamahayag mula sa print at broadcast outfit ay maaaring tagurian bilang crusader of truth, tagapagtanggol ng vested interest, at yaong, ayon sa kanya, ay mga bayaran.

Sa isang pulong-balitaan kamakailan, pahapyaw na inilarawan ng bagong-halal na Pangulo na ang unang nabanggit na kategorya ng mediamen ay nakatuon sa pagtataguyod sa makatuturan at makatotohanang impormasyon na dapat malaman ng sambayanan; ang pangalawa ay hinggil naman sa umano’y pagsasanggalang sa makasariling paraan ng pagnenegosyo ng mga vested interest na ang hanapbuhay ay nakatuon naman, halimbawa, sa pagtotroso, pagmimina at iba pa; samantalang ang pangatlo ay tungkol naman sa sinasabing pagiging bayaran ng ilang mamamahayag na malimit kinakasangkapan ng mga pulitiko at iba pang tiwaling lingkod ng bayan.

Ang nabanggit na mga pananaw ni Duterte ay totoong ikinagulantang ng buong journalism profession, lalo na kung iisipin na ito ang madalas na nagiging dahilan ng pagpatay sa ilang mamamahayag. Hindi maiaalis na ang halos lahat ng ating kapatid sa media ay mangilabot dahil sa mistulang pagbabanta sa ating seguridad kaugnay ng pagtupad sa ating misyon sa lipunan.

Sa kabila nito, ituring natin na isang malaking hamon ang pagtukoy ng bagong-halal na Presidente sa mga kategorya ng ating hanay. Patunayan natin na kabaligtaran ang kanyang mga pananaw sa pamamagitan ng pagpapaigting sa mga pagsisikap tungo sa paglalantad ng mga katotohanan; sa pagbubunyag ng mga alingasngas na kinasasangkutan ng mga opisyal na nagiging balakid sa mga huwarang pamamahala.

Lagi tayong manangan sa tunay na diwa ng Journalists Code of Ethics—ang itinuturing na bibliya ng mga mamamahayag. Sa mula’t mula pa, ito na ang ating naging gabay at patnubay sa peryodismong Pilipino na naging sandata rin ng sinaunang mga propagandista na kinabibilangan ni Marcelo H. del Pilar at ng iba pa.

Huwag tayong tabangan sa pagtatanggol sa ating kalayaan sa pamamahayag na laging pinatutunayan ng ating mga kapatid sa propesyon. Sa kabila ng nakasisindak na mga pagbabanta, ipaglaban natin ang press freedom kahit na ito ay mangahulugan ng kamatayan, kung kinakailangan. Manangan tayo sa katotohanan. (Celo Lagmay)