PARIS (AP) — Mahabang panahon ang ginugol ni Novak Djokovic para sa minimithing tagumpay. Matapos ang 12 taon at apat na pagkakataon para sa kampeonato, nakamit ng tinaguriang ‘Nole’ ang tugatog ng tagumpay.

Iginuhit ni Djokovic sa clay court ang hugis ng puso bilang pagpupugay sa pamosong Roland Garros na tanging titulo na kailangan ng Serbian star para makumpleto ang career Grand Slam.

Ginapi niya ang matikas at No. 2 seed na si Andy Murray ng Great Britain, 3-6, 6-1, 6-2, 6-4 para makopo ang French Open at maiuwi ang prestihiyosong ‘La Coupe des Mousquetaires – ang eleganteng tropeo na matagal na niyang pinapangarap.

“It’s really a very special moment,” pahayag ni Djokovic. “Perhaps the greatest moment of my career.”

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Mula nang matalo rito noong 2015 final, napagwagihan ni Djokovic ang 28 sunod na Grand Slam match mula sa Wimbledon hanggang US Open at Australian Open nito lamang Enero.

“This is something that is so rare in tennis,” sambit ni Murray, bumagsak sa 2-8 karta sa Grand Slam finals.

“It’s going to take a long time for it to happen again.”

Ang huling tennis player na nakapagwagi ng apat na sunod na major title ay si Rod Laver noong 1969. Ngayon,target ni Djokovic na pantayan ang nagawa ni Jim Courier noong 1992 – Grand Slam sa isang buong season.

Tangan ng 29-anyos Serbian star ang anim na Australian Open, tatlong Wimbledon at dalawang US Open para sa kabuuang 12 Grand Slam title. Sa kasalukuyan, tanging si Roger Federer ang may pinakamaraming kampeonato (17) kasunod si Rafael Nadal (14) at mayroon ding 14 titulo si Pete Sampras bago nagretiro.

“He’s there, for sure — one of the best now,” sambit ni Marian Vajda, co-coach ni Djokovic bukod kay dating tennis star Boris Becker.

“Hard to say who’s the greatest,” aniya.

Sa 11 kabiguan ni Djokovic sa Roland Garros, anim ay nagmula kay Nadal, isa kay Federer, habang ang tatlong kabiguan niya sa finals ay dulot ni Nadal noong 2012 at 2014, at kay Stan Wawrinka sa nakalipas na taon.

“Winning it, you know, I felt it,” pahayag ni Djokovic.

“I felt the tension and excitement. All the emotions. You name it.”