NGAYON ang ika-346 na Araw ng Pagkakatatag ng Makati City, na dati ay isang pre-Hispanic settlement sa baybayin ng Ilog Pasig.

Napadaan si Don Miguel Lopez de Legazpi, ang kauna-unahang gobernador-heneral ng Spanish East Indies na kinabibilangan ng Pilipinas at iba pang kapuluan sa Pasipiko, sa baybaying ito na noon ay nakatiwangwang lamang. Ang pangalan nito ay ibinatay sa mga tugon ng mga residente nang tanungin sila ni Legazpi kung ano ang tawag sa lugar.

Itinuro ng mga residente ang bumababang tubig at sinabi, “Makati na, Kumati na.” Ang mga prayleng may hurisdiksiyon sa nasabing lupa ay nagtatag ng dalawa sa mga pinakaunang simbahan sa Pilipinas: ang The Church of Saints Peter and Paul na itinayo noong 1620 (ngayon ay San Pedro Macati Church), at ang Nuestra Señora de Gracia sa Guadalupe, na binuksan sa mga mananampalataya noong 1630. Kapwa dinarayo ng mga pilgrim mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang dalawang simbahan. Kalaunan, ang lugar ay pinangalanang San Pedro de Makati, alinsunod sa patron nito. Ang lungsod ay opisyal na itinatag noong 1670 bilang visita ni Sta. Ana de Sapa, na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga Pransiskano. Noong 1890, idineklara ang San Pedro de Makati bilang isang bayan sa Maynila.

Pagsapit ng ika-20 siglo, ang San Pedro de Makati ay isinama ng mga Amerikano sa lalawigan ng Rizal, sa bisa ng Commonwealth Act No. 137, na may petsang Hunyo 11, 1901. Nang taon din na iyon, itinatag ng mga Amerikano ang Fort William McKinley bilang isang pasilidad ng militar. Taong 1903 nang italaga ang administrador ng bayan upang pangasiwaan ang mga aktibidad sa lugar. Ang San Pedro de Makati noon ay isang third-class agricultural town na ang pangunahing ikinabubuhay ay pag-aani ng palay at pakain sa kabayo. Noong Pebrero 8, 1914, pinaiksi ng Philippine Legislature Act No. 2390 ang pangalan ng bayan at ginawang Makati. Bago pa man magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Nielson Field ay itinayo sa ngayon ay Ayala Triangle. Kalaunan, tinawag itong Nielson Airport, ang kauna-unahang paliparan sa bansa, ipinangalan sa pangunahin nitong mamumuhunan at tagapagtatag, si Laurie Reuben Nielson, isang Amerikanong stockbroker.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Noong 1950s, isang “master-planned mixed-use community” ang itinatag sa Makati. Pagsapit ng dekada ’70, ang Makati, na bahagi ng National Capital Region (Metro Manila) ay isa nang sumisiglang financial at business center. Taong 1995 nang maging siyudad ito, sa bisa ng Republic Act No. 7854. Sa mga sumunod na taon ay nasaksihan ang mabilis na pag-unlad, pagsulong, at pagbabago sa Lungsod ng Makati.

Ngayon, tinatawag itong “the most modern city” sa bansa na may pangunahing kulturang cosmopolitan. Tahanan ito ng mga first-rate shopping mall, mga five-star hotel, pinakamalalaking banking at financial institution, naggagandahang museo, mga dambuhalang kumpanya, mga respetadong educational institution, mga embahada at konsulado, at mga eksklusibong subdibisyon. Nasa pusod ng Central Business District ng lungsod ang Ayala Avenue, ang “Wall Street” ng Pilipinas. Dito rin matatagpuan ang pinakamalaking lugar ng kalakalan ng Philippine Stock Exchange.