PARIS (AP) – Nabigo ang pagbabalik-tambalan ng magkapatid na Serena at Venus Williams, habang nasibak din sa second round ng women’s double event ng French Open ang tambalan nina Martina Hingis at Sania Mirza nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Naunsiyami ang target na Grandslam nina top-seeded Hingis at Mirza nang mabigo kina Barbora Krejcikova at Katerina Siniakova ng Czech Republic, 6-3, 6-2. Nakopo ng tambalan nina Hingis at Mirza ang Wimbledon at US Open title sa nakalipas na taon, gayundin ang Australian Open noong Enero.
“We played bad and they played good. It’s as simple as that,” sambit ni Mirza. “You have to come up with your ‘A’ game. ... We obviously didn’t play anywhere close to our best.”
Kinastigo naman ni Hingis ang aniya’y krusyal na maling tawag ng umpire. “Everything kind of went against us today,” aniya.
Tangan nina Serena at Venus Williams ang kabuuang 13 Grand Slam title, ngunit ngayon lamang muling nagtambal ang magkapatid sa major tournament mula noong 2014.
Matikas ang kampanya nila sa second round kontra Vitalia Diatchenko at Galina Voskoboeva, 7-6 (8), 4-6, 6-0, ngunit kinapoy na sa kanilang pagbabalik aksiyon para sa third round laban kina Kiki Bertens at Johanna Larsson, 6-3, 6-3.
Nanatili namang buhay ang kampanya ng magkapatid sa singles event, gayundin ang kababayan nilang sina No.108 Shelby Rogers at No.15 Madison Keys.
Sa men’s main draw, ang nalalabing American na si No. 15 John Isner ay tuluyan nang nasibak ni No. 2 Andy Murray, 7-6 (9), 6-4, 6-3.
Makakaharap ni Murray sa quarterfinals si No. 9 Richard Gasquet ng France, nagwagi kontra kay No. 5 Kei Nishikori, 6-4, 6-2, 4-6, 6-2.
Magtutuos naman sina defending champion Stan Wawrinka at 55th-ranked Albert Ramos-Vinolas. Nagwagi si Wawrinka kay No. 22 Viktor Troicki 7-6 (5), 6-7 (7), 6-3, 6-2, habang nakalusot si Ramos-Vinolas kay No. 8 Milos Raonic 6-2, 6-4, 6-4.