Donnie Nietes (Philboxing.com)

Donnie Nietes (Philboxing.com)

Napanatili ni WBO light flyweight champion Donnie “Ahas” Nietes ang dominasyon sa impresibong 6th round technical knockout laban kay two-time world champion Raul “Rayito” Garcia ng Mexico sa harap ng kanyang mga kababayan sa ‘Pinoy Pride 36 – A Legend in the Making’ nitong Sabado ng gabi, sa University of La Salle Arena, sa Bacolod City.

Pinakiramdaman muna ni Nietes si Garcia sa loob ng dalawang round bago nagpakawala ng matinding left cross sa ikatlong round na nagpabagsak kay Garcia. Nakabawi ang Mexican, ngunit muling lumuhod nang tamaan sa bodega ng kanang suntok ni Nietes.

Halos tiyempo na lamang ang hinihintay ni Nietes sa palitan ng suntok sa ikaapat at ikalimang round. Sa ikaanim, tuluyang pinulbos ni Nietes si Garcia at kaagad na itinigil ng referee ang laban nang hindi na gumaganti ng suntok ang Mexican.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bunsod ng panalo – ika-15 laban sa Mexican fighter – pinatatag ni Nietes ang bansag na “Mexican hunter” at hilahin ang dominasyon sa naturang weight class sa loob ng walong taon.

“Masaya po. Napanatili natin ang korona at sa harap pa ng aking mga kababayan. Tuloy lang sa ensayo para laging handa sakaling mapalaban uli,” pahayag ni Nietes, nahigitan ang dating record ng namayapang si Flash Elorde bilang tanging Pinoy na kampeon sa pinakamatagal na panahon.

Sa main undercard ng laban, nagwagi si “King” Arthur Villanueva via 4th round knockout laban kay Mexican Juan Jimenez nang hindi na ito bumangon matapos bumagsak nang magkaumpugan sila sa ulo ng Pinoy boxer.

Natamo ni Villanueva ang WBO Asia-Pacific bantamweight title at napaganda ang kanyang rekord sa 29-1-0, tampok ang 15 knockout.

Nagkaumpugan din ng ulo sina two-time world title challenger Milan ‘El Metodico’ Melindo at Mexican opponent Maximino Flores kaya itinigil ang laban sa 7th round at nanalo ang Pilipino sa iskor na 69-64, 68-65 at 67-66. - Gilbert Espena