ANG International Day of UN Peacekeepers ay taun-taong ginugunita tuwing Mayo 29 upang bigyang-pugay ang libu-libong peacekeeper (karaniwan nang tinatawag na Blue Berets o Blue Helmets dahil sa mapusyaw na asul na berets at helmets na suot nila) dahil sa kanilang hindi matatawarang paglilingkod sa United Nations (UN) at bigyang-pagkilala ang mahigit 3,400 peacekeeper na nagbuwis ng buhay habang pinaglilingkuran ang watawat ng UN simula 1948. Ang tema ng paggunita sa International Day of UN Peacekeepers (IDUNP) ngayong taon ay “Honoring our Heroes.”

Ang UN Truce Supervision Organization (UNTSO) ay itinatag noong Mayo 29, 1948 upang ayudahan ang mga peacekeeper sa pagpapatupad at pagpapanatili ng tigil-putukan na senyales ng pagtatapos ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at ng puwersang Arab League na nagsimula matapos magwakas ang British Mandate of Palestine noong Mayo 14, 1948. Disyembre 11, 2002 naman nang italaga ng UN General Assembly ang Mayo 29 bilang IDUNP. Ang araw ay unang ipinagdiwang noong Mayo 29, 2003.

Bagamat ang opisyal na IDUNP ay Mayo 29, Mayo 19 nagdaos ng mga seremonya ang UN headquarters sa New York upang ipagdiwang ang nasabing araw. Pinangunahan ng secretary-general ang pag-aalay ng bulaklak para sa mga peacekeeper na nagbuwis ng buhay habang naglilingkod sa UN at ang inagurasyon ng “Captain Mbaye Diagne Medal for Exceptional Courage.” Iginawad niya ang Dag Hammarskjold Mewdal sa mga peacekeeper na nasawi noong 2015 habang ipinaglalaban ang kapayapaan.

Simula nang maitatag, ang UN peacekeeping ay naging isa sa mga pangunahing instrumento ng pandaigdigang komunidad sa pangangasiwa sa mga kumplikadong senaryo ng krisis na nagsisilbing banta sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May kabuuang 71 peacekeeping operation ang nailunsad simula noong 1948 at mahigit isang milyong sundalo, pulis, at sibilyang tauhan ang naglingkod bilang mga UN peacekeeper. Sa kabila ng mga hamon at panganib sa sarili nilang mga buhay, buong tapat na tinupad ng mga peacekeeper ang kanilang mandato at napatunayang dinamiko at nakakasabay ang peacekeeping sa tungkulin nito na nagresulta sa pagbibigay ng proteksiyon sa populasyong lantad sa panganib upang makausad ang mga prosesong pangkapayapaan.

Sa ngayon, may mahigit 124,000 sundalo, pulis, at sibilyang tauhan ang nakatalaga sa 16 na peacekeeping operation sa apat na kontinente. Ang mga operasyong ito ay tumatanggap ng mga kontribusyon ng mga operatiba mula sa militar at pulisya mula sa 123 miyembrong estado. Sa kanyang mensahe para sa okasyon, pinuri ni UN Secretary-General Ban Ki-moon ang kalalakihan at kababaihan na nagsilbing mga peacekeeper, sinabing “They manifest the best attributes of global solidarity, courageously serving in dangerous environments to provide security to some of the world’s most vulnerable.”

Sa ating pagdiriwang ng 2016 International Day of UN Peacekeepers, mag-alay tayo ng panalangin para sa kaligtasan at kabutihan ng mga nakatalaga sa iba’t ibang peacekeeping operation at para sa mga nagbuwis ng buhay alang-alang sa kapayapaan. Pahalagahan at ingatan natin ang kapayapaang tinatamasa natin ngayon, partikular ang kapayapaang pinagtulungang ibalik ng mahuhusay na kalalakihan at kababaihang nakasuot ng asul na helmets.