Pinaalalahanan ng Department of Health (DoH) ang mga kabataan na mahilig sa mga kasiyahan na maging maingat sa kanilang iniinom sa mga ganitong okasyon.
“Ang advisory namin sa mga kabataan, when you party, be sure na you’re safe with you friends, and be sure na you are not taking in something na baka nahaluan,” sabi ni DoH Secretary Janette L. Garin.
Pinaalalahanan din ni Garin ang mga organizer na tiyakin ang kaligtasan ng party-goers, lalo na ng mga bata.
“Naroon po ang responsibilidad natin sa mga bata,” sabi ni Garin, binanggit na dapat ding maging alerto ang mga magulang, partikular sa paggabay sa kanilang mga anak upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito sa pagtungo sa mga kasiyahan.
Nilinaw niya na hindi dapat hikayatin ang kabataan na magtungo sa mga kasiyahan, maliban na lamang kung ang mga okasyong ito ay idinaos na may matinding pag-iingat at walang mga pagkain o inumin na may halong droga na mapanganib sa kalusugan.
Nagpaalala ang Health Chief kasabay ng pagbibigay diin na hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya sa insidente kung saan isinugod sa mga ospital ang mga biktma matapos himatayin, lima dito ang namatay.
“It’s difficult to quantify that unless we really know the substance inside. Hintayin natin ano iyong nasa laman,” aniya.
Sa mga inisyal na ulat, malaki ang posibilidad na may inihalong droga sa mga inumin at nainom ng mga biktima sa CloseUp Forever Summer concert sa Pasay City nitong weekend.
Idinagdag ni Garin na masyado pang maaga upang magkaroon ng conclusion sa insidente, ngunit dapat na maging mulat ang publiko sa idinudulot na pinsala ng droga, na maaaring magbunsod ng mga kumplikasyon gaya ng heart attack dahil sa mabilis na pagtibok ng puso, hyper feelings at matinding pagkauhaw.
Sinabi rin niya na maraming kabataan ngayon ang nasisiraan ng ulo dahil sa droga.
“In our psychiatric ward, iyong drug-induced psychosis dumarami rin siya. That points to chronic substance abuse and it only points to the vast availability of illegal drugs and now you can see the health effects,” aniya. (PNA)