Nakipagtambalan ang Shakey’s V-League sa ABS-CBN Sports and Action bilang official television partner.

Ito ang sinabi ni Ricky Palou, pangulo ng nag-oorganisang Sports Vision, kung saan sisimulan ng ABS-CBN Sports and Action Channel 23 ang pagpapalabas sa mga laro ng liga simula sa 13th Shakey’s V-League Open Conference sa Sabado, sa The Arena sa San Juan City.

“Yes, it’s official, the Shakey’s V-League has partnered with ABS-CBN,” sabi ni Palou.

Sasagupain ng pre-season favorite Pocari Sweat ang nagpapakitang gilas na University of the Philippines sa ganap na 4:00 ng hapon, habang maghaharap ang National University kontra sa Laoag City sa 6:00 ng gabi.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Una nang nagsimulang mag-usap ang ABS-CBN at V-League dalawang buwan na ang nakalipas subalit kahapon lamang nakumpleto matapos na sumang-ayon ang una na magamit ng huli ang Shakey’s V-League na title sponsor.

“It will be called Shakey’s V-League still, and not V-League presented by Shakey’s, in our first two conferences and we’ll sit down again to talk,” sabi ni Palou.

Ang pagtatambal ay inaasahang magpapabago sa liga matapos magpalit-palit ito ng television partners sa nakalipas na tatlong taon.

“We’re happy with the partnership and we feel ABS-CBN’s entry will help the league grow even more bigger and better,” ayon kay Palou.

Ang dating collegiate star na sina Michelle Gumabao at Melissa Gohing ng La Salle at Myla Pablo ng National U ang mamumuno sa Warriors sa kanilang pagsagupa sa Lady Maroons na pangungunahan nina Kat Bersola, Isa Molde, Justine Dorog, Diane Carlos at ang beteranong si Nicole Tiamzon.

Ang Pocari Sweat ay gigiyahan ng multi-titled Ateneo mentor na si Tai Bundit.

Hindi naman magpapahuli ang NU na hahawakan ni Roger Gorayeb at pamumunuan nina Jaja Santiago, Aiko Urdas, Jorelle Singh, at Fil-Jap rookie sensation Raisa Sato.

Ang Laoag ay mamanduhan ni coach Nes Pamilar, na dating hawak ang Cagayan Valley.

“We have no big expectations, we just want to gain experience,” sabi ni Gorayeb.

Ang Bali Pure, ang koponang paglalaruan ni collegiate star Alyssa Valdez at playing coach Charo Soriano, ay sasagupain ang Team Iriga sa 6:00 ng gabi habang unang maghaharap ng Air Force kontra Baguio sa 4:00 ng hapon sa Mayo 30. (Angie Oredo)