CEBU CITY – Isang grupo ng mga pulis na pumatay sa isang hinihinalang drug pusher sa Cebu City ang tumanggap ng P50,000 pabuya mula kay Mayor-elect Tomas Osmeña.

Inihayag noong nakaraang linggo na pagkakalooban niya ng perang pabuya ang mga pulis na makapapatay ng mga sangkot sa ilegal na droga o magnanakaw, iniabot ni Osmeña ang reward money kay Senior Insp. Eunil Avergonzado, hepe ng Cebu City Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group.

Napatay ng grupo ni Avergonzado ang hinihinalang drug pusher na si Teodoro “Doroy” Cabriana sa isang operasyon sa Barangay Sudlon 2, Cebu City, nitong Mayo 19.

Nabaril si Cabriana sa kainitan ng engkuwentro sa mga pulis.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Pinasalamatan ni Avergonzado si Osmeña sa nasabing pabuya, ngunit iginiit na ginawa lamang nila ang kanilang tungkulin na protektahan ang komunidad.

Sinabi ni Avergonzado na gagamitin nila ang P25,000 sa pagbili ng mga gamit at ang natitirang P25,000 ay ido-donate nila sa isang simbahan sa Bgy. Pitalo, San Fernando, Cebu, na natupok sa sunog nitong Mayo 3.

Noong nakaraang linggo, pinagkalooban ni Osmeña ng pabuyang pera si PO3 Julius Regis, na humabol sa mga holdaper kahit na off duty. Nabaril ni Regis ang dalawa sa mga suspek sa pangholholdap sa loob ng isang pampasaherong jeep sa Cebu City.

Paliwanag ni Osmeña, nasa P20,000 ang pabuya kay Regis dahil nasugatan lang naman at hindi napatay ng pulis ang dalawang holdaper.

Ayon pa kay Osmeña, may natanggap siyang impormasyon na may mga pulis na sangkot sa bentahan ng ilegal na droga at tutukuyin niya kung sino ang mga ito. (MARS W. MOSQUEDA, JR.)