NEW YORK (AP) — Pinatawan ng multang US$25,000 si Draymond Green, ngunit nakalusot ang All-Star forward ng Golden State Warriors sa suspensiyon.

Matapos ang ginawang review ng NBA nitong Lunes (Martes sa Manila), itinaas lamang ang naunang tawag ng referee na flagrant 1 sa flagrant 2 laban kay Green nang masipa niya sa kaselanan si Oklahoma City Thunder center Steven Adams sa second period ng Game Three.

Bunsod nito, nalagay sa “watch list” si Green at isa pang kahalintulad na paglabag ay awtomatikong magbibigay ng suspensiyon sa premyadong forward ng Warriors.

Target ng Warriors na maitabla ang Western Conference best-of-seven finals sa paglarga ng Game Four sa Martes (Miyerkules sa Manila), sa Oklahoma City.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pinatawan si Green ng flagrant 1 foul nang kanyang masipa sa kaselanan si Adams matapos siyang ma-foul ng Kiwi center, may 5:57 ang nalalabi sa second period.

Iginiit ng Thunder na sadya ang insidente, ngunit mariin itong itinanggi nina Green at Warriors coach Steve Kerr.

Hiniling pa nga ni Kerr na ibasura ang flagrant 1 foul na ipinataw sa kanyang player.

Ngunit, hindi kumbinsido rito si NBA executive vice president of basketball operations Kiki VanDeWeghe.

“After a thorough investigation that included review of all available video angles and interviews with the players involved and the officials working the game, we have determined that Green’s foul was unnecessary and excessive and warranted the upgrade and fine,” pahayag ni VanDeWeghe sa inilabas na opisyal na pahayag ng liga.

“During a game, players — at times — flail their legs in an attempt to draw a foul, but Green’s actions in this case warranted an additional penalty,” aniya.

Batay sa regulasyon ng NBA, ang ipinapataw ang flagrant 1 foul sa “unnecessary contact”, samantalang ang flagrant 2 ay para sa “unnecessary and excessive contact.”

Nakatanggap na si Green ng tatlong flagrant 2 foul sa postseason.

Kung mapapatawan pang muli, suspendido siya ng isang laro sa playoff.