Sumugod kahapon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Ariel Inton sa National Bureau of Investigation (NBI) upang maghain ng reklamo laban sa isang Facebook user dahil sa umano’y pambu-bully nito sa social media.

Naghain ng reklamo si Inton sa NBI Cybercrime Division (CCD) laban sa Facebook page na Independencia PH dahil sa mga ipinaskil nitong paninira sa kanyang pagkatao.

Sa 13-pahinang affidavit na kanyang isinumite, iginiit ni Inton na biktima siya ng mapanirang pahayag na ipinaskil ng Independencia PH na wala umanong basehan at panay paninirang-puri lamang.

Nakasaad din umano sa FB link, na ipinaskil noong Mayo 16 at may titulong “’Appoint me,’ LTFRB board Ariel Inton asks Duterte” ang:“Mukha yatang nagpapalakas kay President Duterte si LTFRB board member Ariel Inton. Takot ka na bang mawalan ng trabaho?”

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Subalit kapag na-click, ididirekta ang mga Facebook user sa isang online article na inilathala ng Manila Bulletin subalit hindi naman tugma ang nasabing titulo ng istorya sa ano mang bahagi ng news report sa naturang pahayagan.

Umabot sa 6,700 netizen ang nag-like sa false headline at nai-share rin ng mahigit 732 beses sa Facebook.

Bagamat wala siyang binibitawang pahayag tulad ng nakasaad sa Facebook, sinabi ni Inton na binu-bully siya ng mga netizen. Binigyang diin din ng opisyal na hindi niya personal na kilala si Duterte. - Argyll Cyrus B. Geducos