Ginulantang ng Olivarez College ang defending champion na Jose Rizal University-A, 78-70, kamakailan sa 22nd Fr. Martin Cup Summer Basketball Tournament sa St. Placid gymnasium sa San Beda College-Manila campus sa Mendiola.

Kumubra si Pruvil Bermudes ng 20 puntos para sa Sea Lions, tinapos ang pre-season campaign na may dalawang panalo at apat na kabiguan sa Group B.

Naglatag ang Sea Lions ng 15-2 scoring run , tampok ang dalawang free throw ni Bermudes.

Sa kabila ng kabiguan, umabante rin sa quarter-final ang Heavy Bombers tangan ang 4-2 baraha.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Nanguna sa JRU si Paolo Pontejos sa nakubrang 29 puntos, habang nag-ambag si Mark Cruz ng 17 puntos.

Sa junior division, pinadapa ng defending champion na National University Bullpups ang Ateneo de Davao, 76-42, nagwagi ang University of Perpetual Help sa Manila Patriotic School, 94-68, habang nangibabaw ang Emilio Aguinaldo College sa JRU-B, 82-73.

Hataw si Jelo Razon sa naiskor na 20 puntos sa UPHSD Junior Altas, nakalapit sa inaasam na semi-final berth hawak ang 7-1 karta.

Nanguna naman si Karl Penano na may 10 puntos, habang umiskor sina Daniel Atienza at Sydney Mosqueda na may tig-walong puntos para sa NU Bullpups.

Sa women’s division, nagsalansan si Antonia Wong ng 29 puntos sa panalo ng University of the Philippines, 61-59, kontra Far Eastern University.