Isang 21-anyos na Pilipinong estudyante ang nagtapos nang may karangalan at may halos perpektong grade point average (GPA) sa Johns Hopkins University (JHU) sa Maryland sa Amerika, na ika-11 sa pinakamahuhusay na unibersidad sa mundo.
Nagtapos si Kenneth Co sa JHU na may 3.97 GPA, mula sa perpektong 4. Sa loob lamang ng apat na taon, nakumpleto niya ang dalawang undergraduate degree at isang masters degree sa unibersidad: Bachelor of Arts in Mathematics at Bachelor of Arts in Applied Mathematics & Statistics, at Master of Arts in Mathematics.
Sa graduation ceremony ng JHU nitong Mayo 18, naitala si Co bilang isa sa mga estudyanteng may General Honors, isang pagkilala para sa mga may GPA na 3.5 pataas, dahil hindi nagkakaloob ng Latin honors ang unibersidad.
Nagkaloob din ang Krieger School of Arts and Sciences ng JHU ng certificate of achievement kay Co dahil sa matagumpay na pagkumpleto sa Woodrow Wilson Undergraduate Research Fellowship Program.
Tumanggap siya ng $10,000 grant dahil sa kanyang research work.
Ginawaran din si Co ng J.J. Sylvester Award for Outstanding Mathematics by a Graduating Senior, at ng Applied Mathematics and Statistics Achievement Award.
Dahil sa kanyang pambihirang tagumpay, tinanggap si Co bilang kasapi ng Phi Beta Kappa, ang pinakaprestihiyosong honor society sa Amerika, na itinatag noong 1776.
Nagtapos sa Philippine Science High School-Main noong 2012, napakarami ring parangal ang tinanggap ni Co noong nag-aaral pa siya sa Pilipinas.
Plano niyang ipagpatuloy ang kanyang postgraduate studies sa Imperial College London sa ilalim ng isang-taong MSc program in Computing. - Jonathan M. Hicap