Mahigit 160 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang 75 bahay nang tamaan ng kidlat ang isang antenna ng telebisyon na naging sanhi ng sunog sa isang compound sa Las Piñas City, nitong Miyerkules ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng Las Piñas Fire Department, pasado 3:00 ng hapon nang nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Saint Louie Compound sa Phase 2, Admiral Talon 3.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa kahoy.
Tumagal ng mahigit tatlong oras ang sunog sa lugar bago tuluyang naapula.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala ng sunog sa ari-arian.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga nasunugan sa Rizal Experimental Station at inaayudahan ng Las Piñas-Social Welfare Department. (Bella Gamotea)