MALIBAN na lamang kung magkaroon ng mga pagbabago, tiyak na ang panunungkulan ni Ex-Gov. Manny Piñol ng North Cotabato bilang Kalihim ng Agrikultura ng susunod na administrasyon. Mismong si President-elect Rodrigo Duterte ang pumili sa kanya bilang pagkilala hindi lamang dahil sa pagiging isang epektibong administrador, kundi bilang isang bihasang magsasaka.

Totoo, si Piñol ay unang nakilala bilang isang batikang sports writer/commentator ng pahayagang Tempo, kapatid ng peryodikong ito na kapwa inilalathala ng Manila Bulletin Publications; isang lehitimong kapatid sa media. Subalit kalaunan, iniukol niya ang kanyang makabuluhang panahon sa agrikultura sa kanyang lalawigan at sa mga karatig na lugar. Katunayan, nag-aalaga pa rin siya ng manok at iba pang hayop, at nagtatanim ng gulay sa kanyang sakahan.

Totoo rin na hindi lamang si Piñol ang peryodista na matagal nang pumalaot sa larangan ng pagsasaka. Marami. Subalit siya ang kauna-unahang media personality na nahirang sa naturang mahalagang tungkulin.

Batid natin na alam na ni Piñol ang mga dapat niyang gampanan sa pagpapaunlad ng agrikultura. Subalit hindi marahil isang kalabisang ulit-ulitin ang mga makatuturang mungkahi na lagi nating idinudulog sa mga opisyal ng nabanggit na kawanihan. Dangan nga lamang at tila nananatiling bingi at manhid ang ilang opisyal sa mga panawagan hinggil sa pagkakaroon ng sapat na aning palay, mais at iba pang produkto.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Lagi nating binibigyang-diin ang mahihigpit na pangangailangan ng mga magsasaka: libreng irrigation fees lalo na tuwing tagtuyot; crop insurance subsidy; seed subsidy na panlaban sa kalamidad at mapag-aanihan nang sapat; ayudang mga kagamitan sa pagsasaka, katulad ng patuyuan ng palay; at iba pang tulong upang ang Pilipinas ay minsan pang taguriang isang bansang nagluluwas at hindi umaangkat ng bigas. Ibig sabihin, tayo ay magiging isang rice exporting country at hindi na isang rice importing nation.

Isa pa, ang lahat ng tanggapan na may kinalaman sa agrikultura ay marapat na manatili sa Department of Agriculture.

Magugunita na ito ay biniyak ng Aquino administration upang ipagkatiwala sa isang kaalyadong opisyal. Hindi ko makita ang lohika kung bakit inihiwalay ang NFA, Philcoa, NIA – isang estratehiya na umano’y nagbunga ng mga pagdududa.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nakapanghihinayang na ibuhos ang lahat ng ayuda sa mga magbubukid upang magkaroon tayo ng sapat na produksiyon. (Celo Lagmay)