Ni LEO P. DIAZ

ISULAN, Sultan Kudarat – Isang linggo na ang nakalipas matapos ang eleksiyon pero patuloy ang bakbakan ng mga magkakalabang angkan sa Talitay sa Maguindanao, habang hindi pa rin humuhupa ang labanan ng mga tagasuporta ng dalawang nagkatunggali sa pagkaalkalde sa Pagalungan, sa Maguindanao rin.

Isang kilalang leader ng angkang Buisan ang kabilang sa apat na nasawi sa pakikipagsagupaan nito sa angkang Sabal ni incumbent Talitay Mayor Montasir Sabal na nagsimula nitong Mayo 10, isang araw matapos ang eleksiyon. Re-elected si Sabal.

Kapwa may tagasuporta o kaanak ang pamilya Sabal at Buisan sa armadong hanay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Dahil dito, mahigit 100 apektadong pamilya ang lumikas sa karatig na bayan ng Datu Anggal, habang ang ilan naman ay pansamantalang nanuluyan sa mga kaanak.

Nag-usap na nitong Sabado ang Council of Elders sa Talitay upang iapela ang paghupa ng tensiyon at mapag-usapan ang anila ay malaon nang alitan ng mga Sabal at Buisan.

Sa Pagalungan, patuloy naman ang bakbakan sa mga barangay ng Damalasak, Inugog, Galakit, at maging sa Barangay Balumis sa Pikit, ng mga tagasuporta ng nagkatunggali sa pagkaalkalde na sina incumbent Mayor Salik Mamasabulod at Datu Guimid Matalam.

Kapwa tumanggi sina Mamasabulod—muling nahalal na alkalde—at Matalam na may kinalaman sila sa kaguluhan.

Wala namang napapaulat na nasawi o nasugatan sa bakbakan ng dalawang grupo, bagamat ilang residente sa lugar ang lumikas na.