Hindi lamang ang pagbibigay ng mas mahabang preparasyon para sa mga kalahok kundi ang posibilidad na magdagdag pa ng isang team ang dahilan kung bakit ipinagpaliban ang pagbubukas ng 2016 Shakey’s V League Open Conference.

Batay sa orihinal na plano, magbubukas sana ang torneo sa Mayo 15.

Ngunit, ayon kay tournament director na si Tony Boy Liao, inurong nila ito sa susunod na linggo para mabigyan ng pagkakataong makapaghandang mabuti ang mga koponang lalahok dito.

Kabilang sa mga kumpirmadong lalahok sa torneo na inorganisa ng Sports Vision sa pagtataguyod ng Shakey’s ang National University, University of the Philippines, Philippine Air Force at Philips Gold.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

May dalawang provincial team – Iriga at Baguio City – ang sasabak sa liga na may format na nagpapahintulot sa mga kalahok na gumamit ng guest player.

Kasabay nito, sinabi ni Liao na may magaganap na pagpupulong sa pagitan ng mga organizer kung saan tatalakayin ang posibleng pagbuo ng isang Ateneo selection na lalaruan bilang guest player sina Alyssa Valdez at Denden Lazaro, kasama ang mga mainstay ng Lady Eagles sa pangunguna nina Jia Morado, Jhoana Maraguinot, at Bea de Leon.

(Marivic Awitan)