KIDAPAWAN CITY – Tinambakan ng boto nina North Cotabato Gov. Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza at Vice Gov. Gregorio Ipong ang kanilang mga karibal sa halalan nitong Lunes upang mapanalunan ang ikatlo at huling termino nila sa puwesto.

Iprinoklama ng provincial board of canvassers sina Mendoza at Ipong na mga nagwagi noong May 10, 2016 kasama sina incumbent Reps. Jesus Sacdalan (unang distrito), Nancy Catamco (ikalawang distrito) at Jose Tejada (ikatlong distrito). Lahat ng mga iprinoklamang opisyal ay nasa ilalim ng Liberal Party(LP).

Nakuha nina Mendoza at Catamco ang malaking boto sa halalan noong Lunes sa kabila ng mga akusasyon ng kanilang mga karibal sa pulitika sa palpak na pagtugon sa protest rally sa Kidapawan City ng mga magsasaka na humihiling ng rice subsidy na nauwi sa madugong pagbuwag noong Abril 1.

Sa huling bugso ng campaign period, naglabas ang Sandiganbayan ng hold-departure order at arrest warrant laban sa lady governor. Gayunman, sinuspinde ng anti-graft court ang pagpapatupad sa arrest warrant matapos maghain ng motion for review ang mga abogado ng gobernador.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Una nang kinasuhan ng Ombudsman ang gobernador ng graft kaugnay sa paggastos sa P2.4-million office fund para sa pagbili ng panggatong mula sa gasolinahan na pag-aari ng ina ni Mendoza. Ang kinukuwestiyong transaksiyon ay naganap noong 2010. (ALI G. MACABALANG)