Ibinulgar ng ‘whistleblower’ na nagsagawa ng expose sa ‘systemic doping’ ng Russian Athletics Federation sa programang “60 Minutes” na nagpadala siya ng mahigit 200 email para ipaalam ang nagaganap na pandaraya sa ‘doping rule’ sa World Anti-Doping Agency.
Ngunit, sinabi ni Vitaly Stepanov, dating nagtatrabaho sa Russian Anti-Doping Agency, na hindi siya lubhang pinansin ng WADA at sinabihan na wala umano itong kapangyarihan na mag-imbestiga sa loob ng Russia.
Sa panayam na ipalalabas sa CBS news show nitong Linggo (Lunes sa Manila) sinabi ni Stepanov na pinayuhan siya ng WADA na lumapit sa isang German TV Network na nagsagawa ng 2014 documentary hinggil sa doping.
Ayon kay WADA Spokesman Ben Nichols, walang kapangyarihan ang WADA na magsagawa ng sariling imbestigasyon at hinayaang ang Russian anti-doping agency ang magsagawa ng pagsusuri sa alegasyon.
Isiniwalat din ni Stepanov sa “60 Minutes” na nakalista sa Russia’s anti-doping lab na apat na Russian gold medalist sa Sochi Olympics ang gumagamit ng steroids.