NANAY, Mama, Mommy, Mamu, o Mudra. Iba’t ibang tawag pero isa lang ang tinutukoy. Ang ating Ina, isa sa pinakamagandang nilikha ng Diyos upang tayo’y gabayan at magsilbing liwanag sa ating buhay. Hindi mapapantayan ang kanilang pagmamahal, pag-aaruga, at pagpapahalaga sa atin mula sa sinapupunan hanggang sa tayo’y lumaki at magkaroon ng sariling pamilya. Magpahanggang ngayon patuloy pa rin nating hinahanap ang kanilang ‘di mapapantayang kalinga sa oras ng kalungkutan at kagipitan. Kaya naman binibigyang pagpapahalaga natin ang ating mga Ina sa kanilang wagas na pagmamahal, paggabay at paghubog sa ating pagkatao.
Unang ipinagdiwang ang Araw ng mga Ina noong 1908 sa Grafton West Virginia sa US, na masikap na pinamunuan ni Anna Jarvis para sa pagtanaw sa kadakilaan ng bawat ina sa mundo.
Maging dito sa ating bansa ay ating ipinagdiriwang ang Araw ng mga Ina tuwing ikalawang linggo ng Mayo. Kahapon, Mayo 8, buong suyong ginunita ng mundo, at siyempre, ng mga Pilipino, ang Mothers’ Day.
Ang pagiging ina ay ‘di biro. Ang ating Ina ay may pinakamalaking gampanin at impluwensiya sa ating buhay. Sila ay tulad din ng guro na humuhubog ng ating pag-uugali at pagkatao. Sila ay tulad din ng isang nurse na gumagamot sa atin kapag tayo’y nagkakasakit, sila rin ang ating great chef kapag tayo’y ipinaghahanda ng makakain.
Ang ina ay ulirang manggagawa na walang hinihintay na sahod o kabayaran sa paninilbihan sa atin na mga anak sa kabila ng kanilang paghihirap na igapang tayo sa buhay. Sa madaling salita, sila ang Super Woman ng ating buhay.
Ngunit, nakalulungkot isipin na mangilan-ngilan sa atin, na sa kabila ng kanilang pagpupursige na tayo ay mapabuti at maituwid sa ating mga pagkakamali, ay may mga pagkakataong ating binabalewala sila. Hindi natin nauunawaan ang kanilang mga saloobin, payo at minsan ay sumasalungat tayo sa kanilang desisyon sa ating buhay, na maaaring mauwi sa pagsagot ng pabalang o kaya ay maglayas, sabay talikod. Natural lamang sa ating ina ang magalit, ‘di dahil galit sila literally, bagkus may napapansin silang mali sa ating mga kilos at pag-uugali.
Katulad ng aming nanay, tumandang mulat sa kahirapan ngunit puno ng pagmamahal at hindi kailanman nagbago sa kabila ng aming mga pagkukulang. Kaya naman nagpapasalamat kami sa kanyang kadakilaan, sa walang hanggang pagmamahal, at pagtanggap sa aming lahat at maging sa ibang tao na pinakikitaan niya ng kababaang loob.
Ikaw, nakapagpasalamat ka ba sa iyong Ina kahapon? Binati mo ba siya ng Happy Mothers’ Day? Kung hindi pa, puwede ang belated. Iparamdam natin sa kanila ang ating sinseridad, pagmamahal at suklian ang kanilang mga paghihirap. Kung hindi dahil sa ating Ina, hindi natin maaabot ang ating mga minimithi sa buhay. (REX B. MOLINES)