MAINIT ang tapatan ng showing ng dalawang Tagalog films, ang Just The 3 of Us nina John Lloyd Cruz at Jennylyn Mercado under Star Cinema at ang This time starring Nadine Lustre at James Reid ng Viva Films simula nitong nakaraang Miyerkules.
Sa opening day, na-curious agad kami sa tsikang mas mahaba ang pila ng John Lloyd-Jennylyn movie kaysa sa JaDine film. Kaya sa second day, sinubukan naming kumpirmahin sa Gateway Cineplex kung totoo ngang sinapawan ng Just The 3 of Us ang isa sa mga nangungunang love team ng bansa.
Sa 3 PM screening ng Just The Three of Us last Thursday, halos naka-block na ang buong upuan dahil aanim na ang available seats na nasa bandang itaas na.
Kinumusta namin ang takilyerang aming kinunan ng tiket kung kasinglakas ba ng John Lloyd-Jennylyn movie ang JaDine film. Sagot sa amin ng takilyera, “Okay lang po, pero mas malakas ang Just The 3 of Us.”
Sabi pa ng takilyera, halos kalahati lang ang laman ng sinehan ng This Time kumpara sa katapat sa ilang screening hours nang nagdaan.
Sa next screening pa, mga bandang 8:30 ng gabi, hamak na mas puno pa rin ang teatro ng Just The Three of Us na lilima na rin lang ang available seats at hindi na magkakatabi.
Ibig sabihin, sumugod talaga ang mga tao para panoorin ang kakaibang execution ni Direk Cathy Garcia-Molina sa karakter nina Captain Uno Abusado (role ni Lloydie bilang piloto) at CJ Manalo (Jennylyn).
Rated 13 ng MTRCB ang Star Cinema movie dahil sa ilang maiinit na sex trip sa CR nina Lloydie at Jen na nauwi sa pagbubuntis ng huli.
Kasama nina Jen at Lloydie sa pelikula sina Joel Torre at Maria Isabel Lopez (magulang ni CJ) at may mahahalagang roles din sina Ketchup Eusebio, Joem Bascon at Richard Yap (bilang tatay na nag-abandona kay Lloydie).
“Maganda kasi ang movie, may drama at comedy,” hirit pa ng takilyera sa amin. (ADOR SALUTA)