KAPANALIG, dati rati, ang atmospera sa panahon ng eleksiyon ay parang piyesta. Marami mang paratang at propaganda, mas matingkad pa rin ang saya. Nakakalungkot, kapanalig, na ngayon, punung-puno ng galit ang atmospera ng ating election campaign period. Anong nangyari sa ating lipunan at bakit nagkaganito ang ating pangangampanya? Bakit sa halip na maging mapayapa ang daan tungo sa nalalapit na eleksyon, naging magulo at maingay?

Kitang-kita at ramdam na ramdam natin ngayon ang kapangyarihan ng social media, partikular na ang Facebook, at ang mahalagang papel nito sa kapalaran ng mga kumakandidato sa iba’t ibang posisyon at ang epekto nito sa tao ngayong panahon ng pangangampanya. Hindi man lahat ng botante ay may Facebook, marami sa mga nilalaman nito ay binabalita rin sa traditional media, na lalong nagpapalawig ng naabot nito.

Ilang Filipino nga ba, kapanalig, ang nasa Facebook? Ayon kay Facebook Vice President for Asia Pacific Dan Neary, umaabot sa 49 na milyong Pilipino ang gumagamit ng Facebook kada buwan. Halos kalahati na ito ng ating populasyon, kapanalig. At halos maabot nito ang bilang ng mga rehistradong botante ngayon na umabot ng 54.4 milyon. Ngunit kahit ganoon kalaki ang bilang, maaari na ba itong gawing batayan kung sino ang mga mananalong tagapamuno?

Sa mga social media platforms ngayon, nakikita natin ang mga kampong maiingay. Sa kanilang ingay, iisipin ng marami na ito na siguro ang nakalalamang. Sa ingay nila, mas maarami ang uma-access sa kanilang links. Sa ingay nila, akala mo, napakarami nila. At lalong silang napaparami dahil na rin sa psychological phenomenon ng bandwagon effect, kung saan marami ang gumagaya kahit pa taliwas ito sa kanilang tunay na napipisil. Kaya nga ngayon, sa social media, makikita mo na kung sino pa ang mga tahimik dati, ngayon ay halos sumigaw, at marami na ang nagmumura at nagbabanta sa ngalan ng kanilang napipisil na kandidato. Ang epekto, umaalingawngaw ang mga sigaw at naging hostile battle ground na ang social media.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pero kapanalig, sa gitna ng ingay na ito sa social media, marami ang ‘di nagbibigay pansin sa isang uri ng impormasyon na sa Facebook din natin makikita. Ito ay ang number of likes ng mga pages ng mga kandidato. Base sa huling pagtingin nitong May 3, ang pinakamaraming Facebook likes ay ang page ni Sen. Miriam Santiago, na may 3,562,277 likes at page ni Grace Poe na may 3,052,582 likes. Sumunod sa kanila si Duterte na may 2,734,994 likes, si Binay na may 2,605,213 likes, at si Roxas na may 1,420, 946 likes. Makikita rito na marami sa atin ay hindi nadadala sa ingay, galit at pagbabanta, kung sa social media lamang, partikular na sa Facebook, ang pag-uusapan. Ang maliit na bilang ng mga likes na ito (kumpara sa dami ng mga post) ay nakapagbibigay ng kaunting pag-asa. Maingay man ang bangayan, hindi pa rin tayo lunod sa galit. Marami pa ring tao ang tahimik na pumipili.

At ito ang ating dasal: Sa gitna ng ingay, sa gitna ng pangamba, sa gitna ng kawalan ng katiyakan, nawa’y tayong lahat ay makapili ng tunay na lider ng bayan, na ayon na rin kay Pope Francis, na tunay na nagmamahal. Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)