Nora sa presscon sa Restaurant 9501 copy

PAGKATAPOS ng 13 taong pagkawala sa bakuran ng ABS-CBN, muling mapapanood si Nora Aunor sa Kapamilya Network.

Bida ang superstar sa pang-Mother’s Day episode ng Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado. Gagampanan ni Nora ang role ng isang nanay na may apat na special child.

Ang Mother’s Day special bukas ay pang-apat nang MMK ni Nora na todo pasasalamat sa ibinigay na bagong pagkakataon sa kanya ni Ms. Charo Santos-Concio.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Alam n’yo po matagal na matagal ko na pong pinangarap na makalabas muli sa MMK. Dahil pagkatapos ng napakatagal na panahon na hindi ako nakalabas, unang-una sa Dos, lalung-lalo na ang MMK. Talagang pinangarap ko na makabalik ulit sa Dos,” pahayag ng superstar.

“Dahil noong araw, nagpunta na ako dito. Kung ano man ang pagkakamali ko, sa mga boss natin, ito ay ihiningi ko ng tawad at hindi ko ikinahihiya. Kung nagkamali ako, kailangang humingi ako ng tawad sa kung sino ang namumuno.”

Malaki na ang ipinagbago ni Nora dahil humihingi na siya ng paumanhin sa mga taong alam niyang nagawan niya ng pagkukulang.

“Alam ko na may mga sinabi akong hindi maganda kay Ma’am Charo at Ms. Malou (Santos). Siguro dahil sa nagtampo rin ako. Pero malaki ang naging kasalanan ko kasi madaldal ako, eh. Hindi ko ikinatatakot ‘yun at inaamin ko, kaya kailangan kong humingi ng tawad,” paliwanag ng superstar.

Ang tinutukoy na tampo ni Nora sa management ay nagsimula noong panahong ginagawa niya ang seryeng Bituin sa Dos.

May mga demand siya sa staff at sa kanyang kontrata na hindi napagkasunduan. Mas lalong lumala ang isyu noong ihayag niya sa interbyu ng isang magasin noong 2011 ang tungkol dito.

Ang isa sa mga naging tulay ng pagbabalik ni Nora sa Dos ay si Ms. Malou Santos, ang Star Cinema head.

“At buong pasasalamat ko at napakasaya ko ngayon na parang pinatawad na rin ako, kaya maraming salamat. Ang makalabas lang sa MMK masayang-masaya na ako.”

Magtutuluy-tuloy na ba ang pagtatrabaho niya sa ABS-CBN pagkatapos ng MMK?

“Tingnan natin kung ano ang ibibigay ng ABS-CBN. Open lang ako sa lahat,” nakangiting sagot ng aktres..

Samantala, gagampanan ni Nora ang karakter ni Yolly, isang inang gagawin ang lahat para sa kanyang mga anak na mayroong disorder.

Pangarap ni Yolly at asawang si Nicky (Joel Torre) na bumuo ng sariling pamilya. Ngunit sa kasawiang-palad, hindi compatible ang genes nilang mag-asawa, kaya ipinanganak na may down syndrome ang kanilang panganay, at mayroon namang cerebral palsy ang kanilang pangalawa at ikatlong anak.

Sa kabila nito, buong pusong mamahalin ng mag-asawa ang kanilang mga anak. Ipinanganak na normal ang kanilang ikaapat na anak, ngunit mayroon ding cerebral palsy ang ikalima, ang kanilang bunso.

Para matustusan ang pangangailangan ng buong pamilya, mangingibang bansa si Nick at maiiwan si Yolly sa bansa upang alagaan ang kanyang mga anak.

Ngunit gumuho ang mundo ni Yolly nang isa-isang mamatay ang kanyang unang tatlong anak. Paano niya hahanapin na may tapang tapang ang buhay?

Makakasama nina Nora at Joel MMK na ito sina Angeli Bayani, Junjun Quintana, Gloria Sevilla, John Vincent Sevilla, Dentrix Ponce, Amy Nobleza, Chunza Lili, Patrick Sugui, John Michael Gacayan, Celine Lim, Faye Alhambra, Tony Manalo, Suzette Ranillo, Kristel Fulgar, Marithez Samson, Eliza Pineda, Ana Deo, Mike Austria, at Gem Ramos, mula sa panulat ni Akeem del Rosario at sa direksiyon ni Raz de la Torre. (ADOR SALUTA)