Ni Angie Oredo

Bata sa karanasan, ngunit may pusong palaban.

Pinatunayan ng mga bagong atleta ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) na handa silang ituloy ang magiting na tradisyon ng Pinoy tracksters sa international tourney sa napagwagihang limang gintong medalya sa 78th Singapore Open Track and Field Championship nitong weekend, sa National Stadium sa Kallang, Singapore.

Nasungkit ni Ernest John Obiena ang gintong medalya sa men’s pole vault sa bagong meet record na 5.55 meter. Natabunan niya ang competition record na 5.40m na naitala ni Toshiyuki Hashioka ng Japan noong Agosto 16, 1992.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Hindi naman nakuha ng 19-anyos na si Obiena ang target na 5.60 meter na siyang qualifying standard para sa Rio Olympics sa Agosto sa Brazil.

“Sayang. I did my best, pero kinapos pa rin. More practice pa and training baka sakali sa susunod makuha na,” pahayag ni Obiena sa kanyang mensahe sa amang si Emerson, dating pambato ng bansa sa naturang event.

Sa kabila nito, iginiit ni Emerson na malaki ang pagtaas ng level ng performance ng kanyang anak matapos makapagsanay sa Italy, sa pangangasiwa ng International Athletics Federation scholarship grant.

“Malaki ang tsansa niyang mag-improve pa. Yung performance niya sa Singapore already breaks his own personal best and national record (5.47 meter) na nagawa niya last Philippine Open,” pahayag ng matandang Obiena, tumatayong lokal training coach ni EJ.

“Tiyaga lang, makukuha rin ‘yan,” aniya, patungkol sa Rio Olympics standard.

Iginiit naman ni Patafa president Philip Ella ‘Popoy’ Juico na patuloy ang ginawang ‘assessment’ ng national coaching staff para matukoy kung anong tournament ang posible pang lahukan ni Obiena para makasungkit ng Olympic berth.

“Pinag-uusapan namin kung ano ang mas magandang gawin at saan dapat isali pa si EJ para makakuha tayo ng additional Olympic slots,” pahayag ni Juico, dating Philippine Sports Commission chairman.

Bukod kay Obiena, nag-uwi rin ng gintong medalya ang mga batang atleta na kilala ngayon bilang “Popoy’s Army” na sina SEA Games champion Christopher Ulboc Jr.  sa men’s 3,000 steeplechase; Edgardo Alejan Jr. sa men’s 400m dash; Mervin Guarte sa men’s 1,500m run, at si Rosie Villarito sa women’s javelin throw.

Nagwagi naman ng silver medal sina four-time SEA Games titlist Marestella Torres sa women’s long jump, at Julian Reem Fuentes sa men’s long jump habang ang isa pang tanso ay mula kay Melvin Calano sa men’s javelin throw.

Nairehistro ni Torres, makakalahok sa Olympics sa ikatlong pagkakataon bilang “wild card” entry, ang 6.40 meter, malayo sa kanyang personal best at SEA Games record na 6.71m. 

Huling nagdagdag ng tansong medalya ang nakababatang kapatid ni Obiena na si Emily Jeane sa pagtatapos ng isang linggong torneo na nagsisilbing Olympic qualifying at performance exposure ng mga pambansang atleta na nagnanais makasama sa Rio De Janeiro Summer Games at 2017 Malaysia Southeast Asian Games.

Pumangatlo lamang si Obiena sa women’s pole vault sa pagtala ng 3.40 metro sa likuran nina Jelita Nara Idea ng Indonesia na may 3.75m, at Rachel Isabel Yang ng Singapore na umukit ng 3.60m.