SA panahon ng tag-araw at bakasyon, isa sa mga dinarayong lugar sa lalawigan ng Rizal, lalo na tuwing Mayo, ay ang Antipolo (component city na ngayon). Pinatitingkad pa ang nasabing lungsod ng kanyang patroness--ang Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay o Nuestra Senora de la Paz y Buenviaje at ng kilalang tourist destination-- ang Hinulugang Taktak na ngayon ay isa nang National Park.
Marami ring nagsasabi na hindi ito kumpleto kung wala ang Antipolo Pilgrimage o ang Pag-ahon sa Antipolo tuwing buwan ng Mayo. Nagsisimula ang Pag-ahon sa Antipolo tuwing gabi ng Abril 30. Matapos ang misa ng ikapito ng gabi na sinasabayan ng motorcade ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Ang imahen ng Mahal na Birhen ay dinadala sa simbahan ng Quiapo, tuwing Abril 30. Isang tradisyon na hudyat ng Antipolo Maytime Fesival. Ang pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Antipolo Mayor Jun Ynares lll at ng Tanggapan ng Turismo ng Antipolo ay may mga inihandang gawain sa panahon ng Maytime Festival.
Ang paglalakad naman ng ibang pilgrims, na nagmula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Metro Manila, ay nagsismula sa Ortigas Avenue, Pasig City sa tapat ng Meralco building. Hinihintay nila ang motorcade ng imahen ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay at sasabayan na ng paglalakad patungo sa Antipolo hanggang sa makarating sa Antipolo cathedral na shrine ng Mahal na Birhen. Habang ang mga taga-Rizal na deboto ng Mahal na Birhen ay naglalakad paahon sa Antipolo mula sa Cainta junction, Ortigas Avenue. Ang ibang taga-eastern Rizal ay nagsisimulang maglakad paahon sa Antipolo mula sa Kaytikling junction Taytay, Rizal.
Ang paglalakad paahon sa Antipolo ay natatapos sa cathedral ng Antipolo dakong 4:00 ng umaga. Matapos idaos ang misa, ang mga naglakad at iba pang deboto ng Mahal na Birhen ng Antipolo ay sumasakay na pabalik sa kani-kanilang bayan. Ang iba’y bumibili naman ng binusang buto ng kasoy, mangga at suman na pasalubong sa kanilang mga kasama sa bahay. May bumibili rin ng souvenir.
Sa pangangalaga naman ng kaayusan, katahimikan at kaligtasan ng mga pilgrim at iba pang deboto ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay, sa mga elementong kriminal at mga tarantadong mandurukot, 4:00 pa lamang ng hapon hanggang sa madaling-araw ng Mayo 1, ang Rizal Police Provincial Office (RPPO), ang Cainta at Taytay PNP ay nagtatalaga na ng mga pulis sa Ortigas Avenue extension. Gayundin ang Antipolo PNP na may mga nagbabantay na mga pulis sa paligid ng cathedral ng Antipolo. May medical team din na nakatalaga ang pamahalaaang lungsod at ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council na magbibigay ng medical assistance sa mga pilgrim na magkakaproblema sa kanilang paglalakad.
Ang pag-ahon sa Antipolo ay pangarap ng mga dilag at binata noon, lalo na ang mga taga-Maynila. Sa kanila, ang Antipolo ay pook ng pagkakaibigan, romansa at katuwaan. Ang mga dalaga ay naka-baro’t saya kung magtungo sa Antipolo. Kung minsan, sila’y naka-balintawak (tawag sa damit noong araw). (Clemen Bautista)