Kinumpirma ni Liberal Party (LP) mayoral bet Alfredo Lim na hindi na si LP vice mayoralty candidate Atong Asilo ang susuportahan niya sa darating na halalan sa Mayo 9, kundi ang independent candidate na si Councilor Ali Atienza.
Sa press conference nitong Huwebes, sinabi ni Lim na kakausapin niya si Asilo at hihikayating magbigay-daan na lang kay Atienza.
“Kakausapin ko nga siya ngayon, at sasabihin ko na magbigay na lang siya kay Ali, at kung makakabalik ako ay bibigyan ko na lamang siya ng puwesto bilang department head,” ayon kay Lim.
Ipinaliwanag ng dating alkalde na ikinonsidera niya para ibasura ang tambalan nila ni Asilo ang pangungulelat nito sa survey.
Nalaman sa alkalde na humiwalay na rin kay Manila Rep. Amado Bagatsing si Atienza at ang kanilang pagsasanib-grupo ay nangyari sa pulong nila nitong Linggo.
“Eh, ang sabi ni Lito (Atienza), tinanong daw niya kung bakit hindi kumikilos ‘yung isa (Bagatsing), ang sagot, eh, kaibigan daw niya ‘yung isa (Estrada), eh, kung kaibigan pala niya, eh, ‘di Lim na lang kami,” ayon pa kay Lim.
Sinabi naman ni Lim na kung hindi magbibigay si Asilo ay wala siyang magagawa kundi patuloy na suportahan si Ali. (Mary Ann Santiago)