Bukod sa intriga sa estado ng kanyang kalusugan, sinabi ni presidential candidate Sen. Miriam Defensor-Santiago na mayroong mga presidentiable na nag-alok sa kanya ng malaking halaga upang iatras ang kanyang kandidatura.
“The offer is…if you think you are not going to win, can you withdraw and endorse me instead? I will refund your campaign expenses up to P350 million,” kuwento ni Santiago nang humarap sa “Hot Seat” candidates’ forum sa Manila Bulletin main office sa Intramuros, Manila, kahapon.
“Kung wala pala akong kuwenta, bakit pa nila ako bibigyan ng pera para bumaliktad lang?” dagdag ng senadora na tumatakbo sa ilalim ng People’s Reform Party (PRP).
Sinabi pa ng beteranong mambabatas na hindi sa kanya dumirekta ang mga taong nasa likod ng pag-alok, kundi sa kanyang asawa na si Narciso Santiago.
“They wouldn’t dare, because they’d be dead by now,” aniya.
Pagdating naman sa resulta ng mga survey, kung saan nananatiling kulelat ang Senadora sa limang presidential candidate, binalewala ito ni Sen. Miriam dahil pagkondisyon lamang umano ito sa isip ng mamamayan kung sino ang mananalo sa May 9 elections.
“By the means of their surveys, they dictate to us and precondition our minds which candidates are going to win. So in effect, they have the power to choose,” giit ng senadora.
Aniya, kung papalaring maupo sa Malacañang bilang ika-16 na pangulo ng bansa, ang unang executive order na kanyang lalagdaan ay ang pagsusulong sa imbestigasyon sa mga commercial survey na kanyang itinuring na “mapanganib at banta sa demokrasya.” (JAIMIE ROSE ABERIA)