Kinumpleto nina Paul Robert Evangelista at Women Fide Master Shaina Mae Mendoza ang mahusay na taktika upang iuwi kanilang pinakaunang titulo bilang mga kampeon sa Boys at Girls division ng 2016 National Juniors Chess Championships nitong Miyerkules, sa National Athletes Lounge sa Vito Cruz, Manila.

Hindi nabigo sa siyam na laban ang 19-anyos at 3rd year Architecture student sa Far Eastern University na si Evangelista kung saan itinala nito ang anim na panalo at dalawang tabla upang tipunin ang kabuuang walong puntos para makamit ang kanyang pinakamalaking tagumpay sa paglalaro ng chess.

“First time ko po na solong manalo sa tournament at dito pa sa National Juniors,” sabi ng pamabto ng Bolinao, Pangasinan.

Pinakatampok sa panalo ng 16th seed na si Evangelista ang pagwawagi kontra International Master Paolo Bersamina sa ikalima na round na nagtulak dito sa liderato ng torneo na para sa edad 20-anyos pababa.

Anong luto ni Chloe ang masarap para kay Caloy lalo na 'pag umuulan?

Pumangalawa kay Evangelista (ELO 1981) ang No.1 seed na si Bersamina (2378) na may 7,0 puntos at ikatlo si Rhenzi Kyle Sevillano (2059) na may 7,0 puntos din. Ikaapat ang 12th seed na si Artrino Paul Fortin (2033) na may natipon na 6,5 puntos.

Ikalima hanggang ikasampu na may anim na puntos sina 31st seed Mark Kevin Labog (2288), 5th seed Jeth Romy Morado (2123), 33rd seed Nelson Busa Jr. (2040), 27th seed Daniel Quizon (1777), 22nd seed CM Stephen Rome Pangilinan (1928) at ang 8th seed na si Jonathan Jota (2078).

Nagtipon naman ang 17-anyos at incoming 3rd year Education sa FEU na si Mendoza (ELO 2193) ng kabuuang 7,0 puntos upang masolo ang tropeo at kalakip sa premyo sa girls division.

Pumangalawa si WFM Marie Antoinette San Diego (2109) sa 6,5 puntos habang may 5 puntos sina WFM Michelle Yaon (1954) at Kylen Joy Mordido (1729). Magkakasalo sa 4.5 puntos sina Crissa P.Canada (2004), WCM Mira Mirano (1786), WFM Allaney Jia Doroy (1824), Virgenie Ruaya (1961) at Venice Vicente (1820) at ikasampu si Lovely Iris Reyes (1847) na may 4.0 puntos.

Dahil sa pagiging kampeon, sina Evangelista at Mendoza ang kakatawan sa bansa sa World Juniors 55th Boy’s & 35th Girl’s Chess Championships sa Agosto 7-22 sa Bhubanesbar, Odisha, India. (Angie Oredo)