ANG International Dance Day ay ipinagdiriwang taun-taon, tuwing Abril 29, ang anibersaryo ng pagsilang ng Pranses na choreographer na si Jean-Georges Noverre (1727-1810), ang lumikha ng modernong ballet at isang mahusay na dance reformer sa panahon ng Rococo. Ipinakilala noong 1982 ng UNESCO International Theater Institute, layunin ng selebrasyon na himukin ang atensiyon ng marami sa publiko sa napakagandang sining ng sayaw. Hinihikayat ang mga gobyerno na maglaan ng tamang lugar para sa pagsasayaw sa larangan ng kultura at edukasyon.

Ang espesyal na araw ay iniaalay sa kasaysayan at kahalagahan ng sayaw at ang papel nito sa lipunan at sa buhay ng sangkatauhan. Sa buong mundo, mayroong pagsasayaw sa lansangan, open space activity, mga exhibition, dance education at write-ups, mga parada at mga espesyal na pagtatanghal upang himukin ang mga tao na ipagpatuloy ang paggalaw.

Isang mensahe mula sa isang natatanging choreographer o mananayaw ang ipinakakalat sa mundo bawat taon upang ipagdiwang ang sayaw sa pambihirang uri ng sining na ito, saklaw ang lahat ng hadlang na pulitikal, cultural, at etniko at pagsama-samahin ang mga tao sa pamamagitan ng iisang lengguwahe ng sayaw. Ang mensahe ay isinasalin sa mahigit 20 wika, sa pamamagitan ng International Dance Council (Conseil International de la Dance or CID) sa Paris, ang umbrella organization ng lahat ng uri ng sayaw sa ilalim ng UNESCO. Itinatag noong 1973, ang CID ay may kinatawan sa mahigit 120 bansa, kabilang ang Pilipinas. Simula 1992, taun-taong iginagawad ng UNESCO ang Benois de la Dance, na itinuturing na ballet “Oscar”, upang kilalanin ang mga espesyal na pagtatagumpay sa choreography.

Ang pagsasayaw ay naging bahagi na ng kultura ng sangkatauhan sa simula pa man ng kasaysayan. Ginagamit ng mga bansa at mga tao ang universality ng sayaw para sa masining na pagpapahayag, selebrasyon, panalangin, at aliwan. Ang pagsasayaw, sa saliw ng musika at awitan, ay nagpapahayag ng naiisip at nararamdaman, isang kuwento ng relihiyosong kaugalian o bilang kapistahan. Nakatutuwa ang pagsasayaw at isa ito sa pinakamagagandang paraan ng ehersisyo. Isa rin itong epektibong pagpapahayag ng kultura at tradisyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hinahangaan sa buong mundo ang Bayanihan National Dance Company ng Pilipinas dahil sa world-class repertoire nito ng mga katutubong sayaw, musika, kasuotan, at alamat, gayundin sa katutubong sayaw ng iba pang mga bansa. Simula nang itatag noong 1956, nakapagtanghal na ang grupo sa anim na kontinente, 66 na bansa, at 700 siyudad sa mundo. Nagwagi na rin ito ng anim na pangunahing gantimpala sa mga pandaigdigang kumpetisyon sa sayaw.

Ang National Dance Week ay ipinagdiriwang ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) tuwing ikaapat na linggo ng Abril, alinsunod sa Proclamation No. 154, upang isulong ang unawaan at pagkakaibigang kultural sa pamamagitan ng mga kakaibang sayaw ng bawat bansa at ng bawat rehiyon sa Pilipinas. Ngayong linggo, magdaraos ang NCCA ng malawakang dance rally, ang “Yugyugan Para sa Kultura ng Bayan”, na nagtatampok sa mahigit 100 mananayaw, mga choreographer, mga school troupe, at mga kumpanyang nagtatanghal nang sama-sama. Sa Maynila, ang 2nd Ballet Manila X NCCA International Dance Day Festival 2016, na punong abala ang prima ballerina na si Liza Macuja Elizalde, ay idinadaos ngayon, nagtatampok ng malawakang uri ng sayaw, mula sa classical ballet hanggang sa modern, hip hop, folk, at ethnic dance.