NGAYON, maraming bansa sa mundo, kabilang ang Pilipinas, ang nagdiriwang ng World Intellectual Property Day (World IP Day). Ang paggunitang ito, na layuning isulong ang talakayan tungkol sa tungkulin ng intellectual property sa pagtataguyod ng inobasyon at pagkamalikhain, ay pangungunahan ng World Intellectual Property Organization (WIPO).
Ang WIPO ay isang pandaigdigang forum, na may 188 miyembrong estado, para sa mga serbisyo, polisiya, impormasyon, at pagtutulungan sa intellectual property. Isa itong self-funding agency ng United Nations na ang misyon ay pangunahan ang pagpapaunlad sa isang balanse at epektibong IP system na magsasakatuparan ng mga pagbabago at pagiging malikhain para sa kapakinabangan ng lahat. Ang mandato nito, pamunuan, at mga proseso ay nakadetalye sa WIPO Convention, na nagtatag sa WIPO noong 1967.
Taong 2000 nang itakda ng mga miyembrong estado ng WIPO ang Abril 26 bilang World IP Day na may layuning pasiglahin ang pangkalahatang pag-unawa sa IP. Ang petsa ay kasabay ng araw ng pagtatatag sa WIPO Convention noong 1970. Simula nang maitatag, ang World IP Day ay nagkaloob ng mga pambihirang oportunidad bawat taon upang makiisa sa mundo sa pagkilala sa kontribusyon ng IP sa pagpapasigla ng musika at sining at sa pagsusulong ng mga pagbabago sa teknolohiya na tumulong sa pagpapasigla sa ating mundo.
Kabilang sa mga aktibidad na isinagawa sa iba’t ibang dako ng mundo bilang pagdiriwang sa araw na ito ang mga seminar at mga exhibit, mga konsiyerto, at iba pang mga pampublikong pagtatanghal na nakatuon sa tema para sa taong ito. Para sa 2016, nagsisilbing gabay ang temang “Digital Creativity: Culture Reimagined”, tatalakayin ng World IP Day ang mga usapin na nakakulapol sa kinabukasan ng pandaigdigang kultura.
Ang mga manlilikha sa digital world at mga eskperto sa industriya ay kakapanayamin tungkol sa kanilang mga pananaw hinggil sa kinabukasan ng digital creativity. Kinikilala ng tema na ang mga creative output o cultural works na gaya ng mga pelikula, programa sa telebisyon, musika, libro, likhang sining at video games ay matagal nang hinigitan ang mga limitasyon at ang paglulunsad sa teknolohiya ng WiFi ay mabilis na “transforming how consumable culture is created, distributed, and enjoyed in markets that are expanding far beyond national boundaries.”
Nalampasan na rin ang mga pisikal na limitasyon ng mas accessible na teknolohiyang digital, at inilagay ang mundo ng cross-cultural collaboration sa palad ng bawat artist at manlilikha, pinag-iibayo ang imahinasyon sa bago at mas mapaghamong paraan. Kaya naman nababasa, napapanood, at napakikinggan na ng mga tao ang likha ng napakaraming artists/creators sa mundo, kahit saan, kahit kailan, at sa paanong paraan man nila nais.
Bilang suporta sa pandaigdigang paggunita, maglulunsad ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL), katuwang ang iba pang mga grupo at organisasyon, ng maraming event at aktibidad. Kabilang sa mga ito ang taunang Filipino animation festival at ang seminar na “Animahenasyon” sa Abril 25-29, na nagtatampok sa obra ng mga papausbong at propesyunal na animator; isang seminar para sa mga pampublikong taga-usig sa National Capital Region tungkol sa pag-iimbestiga at paglilitis sa mga kaso ng IP sa Abril 26; isang Basic Orientation Seminar (BOS) sa copyright sa digital age; at isang kalahating-araw na animation demonstration ng Animation Council of the Philippines sa Abril 27.
Katuwang din ang IPOPHIL sa pag-oorganisa ng Araw ng Aklat/Dia del Libro nitong Abril 23, bilang paggunita sa World Book and Copyright Day, kaisa ang Instituto Cervantes de Manila, ang Embahada ng Spain sa Pilipinas, ang National Commission on Culture and the Arts, ang National Book Development Board, at ang Komisyon sa Wikang Filipino. Inilunsad din nito ang e-Trademark Filing System kahapon, Abril 25.