Pinatibay ni world champion Rey “Singwancha” Loreto ng Davao City ang katauhan bilang isa sa pinakamahusay na Pinoy fighter sa kasalukuyan nang itala ang fourth round technical knockout kontra kay Japanese Koji Itagaki nitong Sabado sa Marina Hop sa Hiroshima, Japan.
Pinulbos ni Loreto ang karibal sa mabilis at malalakas na kombinasyon dahilan para pumutok ang kanang kilay ng Hapones. Sa ikatlong round, natyempuhan ni Loreto si Itagaki sa kanang panga na nagpabagsak dito.
“But the referee did not gave the mandatory 8 count,” sambit ni Pinoy manager Brico Santig ng Highlands Promotions.
Nakabalik ang karibal at nakasalba, ngunit sa ikaapat na round, hindi na nakuhang tumayo ni Itagaki nang tamaan siya ng solid punch ng Pinoy champion may 2:03 sa orasan.
Ito ang ika-22 panalo ni Loreto, tampok ang 14 knockouts.
Ang 10-round fight ang main event ng 2016 Sanei Fight Pro Boxing Spring Series na magkatuwang na pinangasiwaan ng Hiroshima Sanei Promotions at Highland.
Nauna rito, naitala ni Loreto, reigning World Boxing Association (WBA) International minimumweight champion, ang first round knockout win kontra Fapikat Twin Gym noong Enero 22 sa Ambassador Hotel sa Bangkok, Thailand para mauwi ang WBA International mini-mumweight crown. (Gilbert EspeÑa)