Kemba Walker at Hassan Whiteside

Hornets, panalo sa playoff makalipas ang 14 na taon; Thunder, abante sa Mavs; Pacers, tumabla sa serye

DALLAS (AP) — Mas maaksiyon at agresibo ang bawat isa, ngunit mas mahaba ang reserbang lakas ng Oklahoma Thunder.

Sa pangunguna ni Russell Westbrook na nagsalansan ng 25 puntos at 15 assist, naitumba ng Thunder ang Mavericks, 119-108, sa dikdikang sagupaan nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) para makopo ang 3-1 bentahe sa kanilang Western Conference first round playoff.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kumana si Kevin Durant ng 19 na puntos bago napatalsik sa laro sa huling minuto matapos magtamo ng flagrant foul kay Dallas guard Justin Anderson.

Mataas ang antas ng pagiging agresibo ng magkabilang kampo na nagresulta sa palitan ng maanghang na pananalita at hard foul, kabilang ang pagsiko ni Durant sa ulo ni Anderson na ikinainis ng home crowd. Kinailangan pang alalayan ng security personnel si Durant para madala sa locker room.

Nanguna si Dirk Nowitzki na may 27 puntos at walong rebound para sa Mavs, bigong makapanalo sa playoff series mula nang tanghaling kampeon noong 2011.

HORNETS 96, HEAT 80

Sa Charlotte, N.C., unti-unti nang dumadaloy sa Hornets ang dugong palaban ni team owner Michael Jordan at nakamit ng prangkisa ang kauna-unahang panalo sa postseason makalipas ang 14 na taon nang gapiin ang Miami Heat sa Game 3 ng kanilang Eastern Conference playoff.

Hataw sina Jeremy Lin sa 18 puntos at Kemba Walker na kumuna ng 17 puntos para putulin ang 12-game playoff losing streak.

Kumubra si rookie Frank Kaminsky, naglaro bilang starter sa kauna-unahang pagkakataon, ng 15 puntos, kabilang ang walo sa 18-0 run na ibinaba ng Hornets sa third quarter.

Tangan ng Heat ang 2-1 bentahe. Gaganapin ang Game Four sa Lunes (Martes sa Manila) sa Miami.

Kumasa rin si Marvin Williams, bokya sa unang dalawang laro, sa naiskor na 12 puntos at 14 na rebound para sa Hornets.

Nanguna si Luol Deng sa Heat sa natipang 19 na puntos, tampok ang limang 3-pointer, habang humugot si Dwyane Wade ng 17 puntos. Matikas din si Hassan Whiteside na nag-ambag ng 13 puntos at 18 rebound, ngunit maaga siyang nalagay sa foul-trouble.

PACERS 100, RAPTORS 83

Sa Indianapolis, siniguro ng Pacers na babalik sa Toronto ang serye na pantay ang laban matapos ang matikas na pagwawagi sa Game 4 ng kanilang Eastern Conference playoff.

Kumana ng tig-22 puntos sina George Hill at Ian Mahinmi, habang umiskor si Paul George ng 19 na puntos para maitabla ng Pacers ang best-of-seven series sa 2-2.

Gaganapin ang Game Five sa Martes (Miyerkules sa Manila) sa Toronto.

Hataw sa Toronto si Jonas Valanciunas na may 16 na puntos, habang nalimitahn si All-Stars Kyle Lowry at DeMarre Carrol na may tig-12 puntos.