MULING nanguna si Mayor Duterte sa hanay ng mga tumatakbong pangulo batay sa Pulse Asia survey na kinomisyon ng ABS-CBN. Nang tanungin siya kung ano ang masasabi niya rito, huwag umano masyadong intindihin ang survey. Kung magiging pangulo siya, aniya, ito’y kapahintulutan ng Diyos. Naging ganito ang kanyang reaksiyon dahil marahil inaasahan niya na maaapektuhan ang kanyang rating sa naging pahayag niya kamakailan.
Pagkatapos kasing lumabas ang survey, inulan na naman ng batikos ang alkalde buhat sa iba’t ibang sektor, lalo na sa mga kababaihan. Noong Abril 12, 2016, nagsalita siya sa Amoranto stadium kung saan nagtipun-tipon ang kanyang mga kapanalig pagkatapos ng ginawa nilang motorcade. Ibinida niya ang insidenteng nangyari noong 1989 sa Davao City Jail at siya ay alkalde na noon.
Wika niya: “Ni-rape nila lahat ang babae. So, ang unang casualty, ang isa dun ‘yung minster na Australyana. Tsk, problema ito. Austaralyana, eh.
“Paglabas, binalot. Tiningnan ko yung mukha. P**a, parang artista sa Amerika na maganda. P**a, sayang ito.
“Ang pumasok sa isip ko ni-rape nila. Pinagpilahan nila. P**a ‘yan, nagalit na ako. Kasi ni-rape? Ah oo, isa na rin yun. Napakaganda, dapat mayor muna ang mauna.”
Sa isa pang video sa Youtube noong Abril 12, ginawa rin niyang katatawanan ang dati niyang kasambahay na umano’y ilang beses nang minolestiya.
Humingi na umano ng paumanhin si Duterte. Humihingi siya ng paumanhin lalo na sa mga nasaktan niya. Biro lang aniya ito na wala siyang intensiyong makasakit ng damdamin. Pero, nang tanungin siya ukol dito sinabi niyang hindi kanya ito at wala siyang ginawang paumanhin. Hindi rin umano niya alam kung ni-rape ang kanyang anak na si Inday Sarah.
Lumabas sa media ang kanyang anak na nagsabi na noong bata siya ay ginahasa rin siya marahil sa hangarin niyang mapagaan ang epekto ng ginawa ng kanyang ama.
Ang Australyanang misyonaryo na ibinida ni Duterte na pinilahang ginahasa ay ang batang si Jackie Hamil. Hinostage siya at ang kanyang kasamang bilanggo na kanilang gusto sanang mabago sa pagtuturo ng Aral ng Diyos. Pagkaraan ng tatlong araw sa kulungan, pinasok na ng mga pulis ang piitan at napatay ang mga humostage sa kanila. Pero, pinatay din sila ng mga hostage-taker.
Ang rape joke ni Duterte ay kinondena ng mga taga-ibang bansa partikular na ang Australia, Singapore at Amerika. Sa batikos laban sa kanya, sinabi niya na ganito raw siya at hindi marunong magpanggap. Kaya, ganyan siya kapag naging pangulo ng bansa. (Ric Valmonte)