NALUGOD at hindi sinayang ng mamamayang Pilipino ang pagkakataon para kilatisin ang mga naghahangad na maging bise presidente kaya tinutukan ang nakaraang Harapan ng Bise: The ABS-CBN Vice Presidential Debate na humamig ng 21.4% na rating ayon sa national TV ratings data ng Kantar Media nitong nakaraang Linggo.
Pinataob ng debate na ginanap sa loob ng ABS-CBN compound ang 24 Oras Weekend at Vampire Ang Daddy, na nakakuha lamang ng 10% and 13%, respectively.
Ang Harapan ng Bise, na pinangunahan nina Lynda Jumilla at Alvin Elchico, ay nanalo rin sa mga tinatanaw na teritoryo ng GMA sa buong bansa, kasama na ang Mega Manila, kung saan umiskor ito ng 17.4%.
Gumawa rin ng ingay ang Harapan ng Bise sa tulong ng netizens na nag-tweet ng kanilang mga saloobin tungkol sa mga kandidatong nakibahagi sa debate, sa tulong ng hashtag na #HarapanBise, na nag-trend nationwide at worldwide.
Ayon sa isang Twitter user na si @zel_zone, “Job well done ABS-CBN! Best debate so far. I am almost sure which VP to vote. Thanks! #HarapanBise.” Sabi naman ng user na si @syntaxerror, “Ang ganda lang ng Harapan Bise ngayon.
Paliwanagan nga siya, hindi bangayan.”
Sumang-ayon din dito ang isa pang Twitter user na si @lloydislucky na nagsabing, “Kudos to ABS-CBN for a well-crafted “Harapan ng Bise”! Malinis, matino ang process, ‘hi-tech,’ at matalino ang sequence! #HarapanBise.”
Binati naman nina @humeako at @tyronnarito ang ABS-CBN at sinabing “Congratulations, #HarapanBise and to ABS-CBN!
You were able to bring out the best in each VP candidate for us to figure who to vote. Kudos!” at “Cheers to ABS-CBN for pulling it off and wrapping it up nicely. #HarapanBise.”
Sa pagkakaroon ng tema na miting de avance, lumutang ang mga paninindigan nina Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Chiz Escudero, Sen. Antonio Trillanes IV, at Rep. Leni Robredo sa iba’t ibang mga isyu. Inimbitahan din sina Sen. Gringo Honasan at Sen. Bongbong Marcos ngunit hindi nakadalo sa pagkakaroon ng scheduling conflict.
Ang Harapan ng Bise: The ABS-CBN Vice Presidential Debate ay bahagi ng kampanyang “Ipanalo Ang Pamilyang Pilipino” ng ABS-CBN na humihikayat sa publiko upang gamitin ang boto para sa kinabukasan ng kani-kanilang pamilya.
Sa pamamagitan ng debate, hangad ng ABS-CBN na magbigay ng sapat na kaalaman ukol sa mga kandidato upang tulungan ang mga Pilipino sa pagpili ng mga karapat-dapat na lider sa bansa. Gaya sa nakaraang “Halalan” campaigns, nag-organisa ang network ng mga forum at “Harapan” debates para sa presidential, vice presidential, at senatorial candidates.
Ngayong taon, nauna nang kinilatis sa ANC ang senatorial candidates sa Headstart With Karen Davila at iba’t ibang party-list organizations naman sa Beyond Politics With Lynda Jumilla. Ang DZMM din ang unang nakakumpleto ng mga panayam sa mga kandidato sa pagkapresidente, bise presidente, at senador sa pamamagitan ng “Ikaw Na Ba Ang Para Sa Pamilyang Pilipino” interview series kasama sina Karen, Vic de Leon-Lima, Gerry Baja, at Anthony Taberna.
Huwag palampasin ang Pili Pinas 2016: The Presidential Townhall Debate ngayong Linggo (Abril 24), 5:45 PM sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Magsisimula ang mismong debate sa ganap na 6 PM. Mapapanood din ito sa ANC (SKyCable channel 27), DZMM TeleRadyo (SkyCable channel 26,) The Filipino Channel sa cable, satellite, IPTV, at TFC.tv sa lahat ng rehiyon, at sa ABS-CBNnews.com.