Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na susuriin nito ang mga binayarang buwis ng mga personalidad na sangkot sa $81-million money laundering scheme.
Gayunman, sinabi ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares na hindi pa umaabot ang auditing sa paghahanda ng mga kaso ng tax evasion na ihahain sa Department of Justice (DoJ).
Isa ang BIR chief sa mga resource person na inimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa computer hacking ng Bangladesh central bank.
Nilinaw ni Henares na walang kinalaman ang imbestigasyon ng BIR sa money laundering scheme, at layunin lang na matukoy kung ang mga taong sangkot sa eskandalo ay nagbabayad ng tamang individual income tax at business taxes simula noong nakaraang taon.
Sinabi ni Henares na unang iimbestigahan ng BIR ang mga may-ari ng Philrem, ang remittance company na tumulong sa paglilipat ng mga pondo mula sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) patungo sa mga lokal na casino at mga junket operator mula sa China.
Ang Philrem ang nagpapalit ng mga ninakaw na dolyares para mai-deliver sa isang junket operator at sa mga high-roller casino player mula sa Macau at China. - Jun Ramirez