KAPANALIG, ilang linggo na lamang at eleksyon nga. Habang papalapit ito, painit nang painit ang laban. Sa gitna ng mga ingay na ito, kamusta na nga ba ang pamilyang Pilipino?

Ang karaniwang pamilyang Pilipino ay nagbabago na. Noong 1990s, ang average family size sa atin ay 5.3. Base sa 2012 data, ito ay naging 4.6 na lamang. Mas marami ang male-headed households, nag-iiba na rin ang trend ngayon. Ayon sa Philippine Commision on Women, tumaas ang bilang ng female-headed households mula 1970 hanggang 2009 kung saan 10% ito noong 1979, 11.3% noong 1990, 12.2% noong 1995, 13.5% noong 2000, 15.4% noong 2003, 16.6% noong 2008, hanggang sa naging 21.2% noong 2009.

Sa kabila nito, maraming ring mga banta sa pagsulong ng pamilyang Pilipino. Ayon mismo kay Pope Francis noong huli siyang bumisita sa ating bayan, may ilang mga bagay ang nakakaapekto sa ating mga pamilya ngayon. Una na rito ang ang sapilitang paghihiwalay dahil sa migration at kahirapan.

Sa ngayon tayo ang isa sa pangunahing supplier ng labor sa Southeast Asia at isa sa pinakamalaking supplier ng female migrants. Mahigit pa ngayon sa sampung milyong Pilipino ang nakatira o nagtatrabaho sa ibang bansa. Ayon sa isang pag-aaral mula sa Women and Gender Insitute ng Miriam College noong 2008: mahigit pa sa 72% ng kabuuang bilang ng mga migrant ay mga babaeng manggagawa na nagtatrabaho bilang domestic helper, nurse, caregiver, at entertainer.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

At dahil nga sa pangingibang bansa, ang mga anak, tinatayang nasa siyam na milyon o 27% ng kabuuang bilang ng mga kabataan, ang naiiwan ng mga migrante.

Ang katotohanang ito ang isa sa nakakaligtaan ng ating mga kandidato sa eleksiyon ngayon. Inaaya natin ang mga migrante na bumoto, nangangako ng magandang buhay para sa kanila at sa kanilang pamilya. Ngunit wala ni isa sa mga kandidato ang nagtutuon ng atensiyon ngayon sa kalagayan ng mga bata, lalo na ang mga naiwan ng mga overseas Filipino workers (OFWs). Hindi pa kasi sila bumoboto. Kaya kahit na kailangan pang lumipad sa ibang bansa para mangampanya, ayos lang sa kandidato kasi doon may boto. Ngunit ang mga bata na nasa kanilang mga harapan ay hindi nila maalintana. Masakit ito, mga kapanalig, marami sa kanila ang mga ina ay nagiging katulong sa ibang bansa.

Ayan ang katotohanan ng buhay pamilya ng marami sa atin ngayon. Laging may aalis, laging may maiiwan. Laganap ang kahirapan. At sa delikadong sitwasyong ito, kakaunting kadidato lamang ang tunay na nakakaunawa sa kanila, sa atin.

Kaya napakahalaga ng darating na eleksiyon dahil dito natin makikita kung boto nga lamang ba ang hanap nila sa atin, o tunay nga bang kapakanan natin ang kanilang prayoridad.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)