IPINAGDIRIWANG ng Intramuros Administration (IA) ang ika-37 anibersaryo ng pagkakatatag nito ngayong Abril 10, 2016. Itinatag ng Presidential Decree 1616 noong Abril 10, 1979, itinalaga ng IA upang pangalagaan ang mayamang pamana ng kultura at kasaysayan ng 64-ektaryang Walled City of Intramuros, na idineklara bilang National Historical Monument ng Republic Act 597.

Ang Intramuros (nangangahulugang “sa loob ng mga pader”) ang sentro ng gobyerno at maging ng komersiyo, edukasyon, at relihiyon noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Nagsilbi itong pangunahing lugar ng kalakalan para sa mga nagbiyahe pa mula sa China, at Southeast Asia na ang mga produkto ay binili at dinala ng Espanya sa Acapulco.

Ang nagtataasang pader na naghihiwalay sa Intramuros mula sa iba pang bahagi ng Maynila ay itinayo ng Espanya noong 1571 upang protektahan ang siyudad mula sa mga mananakop. Matindi ang naging pinsala ng Intramuros noong panahon ng digmaan, ngunit pinanumbalik ng IA ang kagandahan nito sa enggrandeng arkitekturang Pilipino-Espanyol noong ika-16 at ika-19 na siglo. Sa pakikipagtulungan ng Escuela Taller de Filipinas Foundation, nabawi at naibalik ng IA ang kultura at arkitektural na pamana sa napapaderang siyudad, katuwang ang mahigit 200 kabataang Pilipino na sinanay sa mga paraan ng pangangalaga sa mga gaya nito.

Naibalik ang orihinal na ganda ng limang tarangkahang bato—ang Isabel II, Parian, Real, Sta. Lucia, at Postigo—at ang mga plaza—Plaza Roma, Plaza Sampalucan, Puerta Sta. Lucia, at Puerta del Parian. Muli namang itinayo ang museo ng Casa Manila na nagtatampok sa pamumuhay noong ika-19 na siglo, at ang El Amanecer o ang sinaunang townhouse.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Masisilayan naman sa Museo de Intramuros, muling itinayo sa lugar ng San Ignacio Church, ang koleksiyon ng kultura at kasaysayan mula sa panahon ng Espanyol hanggang sa bago sumiklab ang digmaan, gaya ng mga relihiyosong imahen, mga gamit sa mesa, mga muwebles, mga seramiko, sanctuary silver, at wood pieces.

Nasa ilalim ng Department of Tourism simula noong 1986, nakatulong ang IA upang mapaganda ang mga makasaysayang lugar gaya ng San Agustin Church, isang UNESCO world heritage site; ng Minor Basilica of Immaculate Conception (Manila Cathedral); ng Governor’s Palace, ang opisyal na tahanan ng mga opisyal na Espanyol; ng Fort Santiago, na roon ginugol ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal ang mga huling oras bago siya binaril sa Bagumbayan (ngayon ay Rizal Park); at ng karatig na Maestranza Wall, na tinuluyan ng mga sundalo noong panahon ng digmaan.

Kasalukuyang pinamumunuan ng abogadong si Marco Antonio V. Sardillo III, tinanggap ng IA ang 2015 “Patrimonio” (Heritage) Award mula sa Association of Heritage Cities of Spain dahil sa pagbibigay ng proteksiyon sa Spanish colonial architecture sa Maynila. Pinasasalamatan ng taunang parangal ang mga proyektong nangangalaga, nagpapanumbali, nagsusulong at nagbabahagi ng mga pamana ng kasaysayan at kultura ng Espanya. Kinikilala ito ng United Nations World Tourism Organization dahil sa pagtatayong muli sa Intramuros bilang huwaran ng pangangalaga sa mga pamana.

Mas mainit ang pagtanggap ng Intramuros sa mga turista ngayon. Inililibot ng mga napapalamutiang jeepney at kalesa, pedicab at electric chariot ang mga turista sa lungsod. Sa pamamagitan ng mga ginagabayang walking tour, naaakit ang mga bisita na gamitin ang malalapad at mababatong lansangan. Sinimulan na rin ng IA ang pagkakabit ng mga kable sa ilalim ng lupa at ang pagpapaluwag sa mga pangunahing kalsada upang mapaglaanan ng mas maraming espasyo ang mga nagsisipaglakad at mga nagbibisikleta.