Ginisa ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga opisyal ng Philrem Service Corporation (Philrem), isang remittance company, dahil bigo itong maipaliwanag ang nawawalang $17 million na pinaniniwalaang bahagi ng $81 million na ninakaw mula sa Bank of Bangladesh sa pamamagitan ng hacking.
Sa pagdinig kahapon, hindi magtugma ang mga pahayag nina Philrem President Salud Bautista at Treasurer Michael Bautista sa mga pahayag ng casino junket operator na si Kam Sin Wong, na mas kilala bilang “Kim Wong.”
Iginiit din ng dalawang opisyal ng Philrem na sinusunod lamang nila ang utos ni Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Branch Manager Maia Santos-Deguito, na mariin namang itinanggi ng huli.
Ipatatawag din ng komite si Mark Palmares, mensahero ng Philrem, sa susunod na pagdinig.
Nagkaisa ang mga resource person na isasauli na lang nila ang pera, katulad ng ginawa ni Wong sa nakalipas na mga araw.
Sinabi ni Wong na sa loob ng isang buwan ay isasauli pa niya ang P450 milyon na bahagi ng nakaw na pera na ibinayad sa kanya ni Gao Shuhua.
Nagsauli si Wong nitong Lunes ng P38.28 milyon ($830,595.50) sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ipinasa naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Noong Marso 31, nagsauli rin ng $4.63 million si Atty. Victor Fernandez, legal counsel ni Wong, at ang pera ay nanggaling naman sa Eastern Hawaii Leisure Company Limited na pag-aari ng casino junket operator.
Ikinatwiran naman ng mga kinatawan ni Gao, ng PAGCOR, ng Solaire Casino-Manila at ng City of Dreams Manila, na nakahanda silang ibalik sa Bangladesh ang tinangay na pera sakaling ipag-utos ito ng korte.
Hinimok din ni Sen. Benigno “Bam” Aquino IV ang mga ito na kung maaari ay huwag nang hintayin ang kautusan ng korte dahil na rin sa kahihiyan na inabot ng Pilipinas sa buong mundo bunsod ng pinakamalaking kontrobersiya ng money laundering sa kasaysayan. (LEONEL ABASOLA)