Dininig ng mga lider ng Kamara ang mga panawagan na amyendahan ang Anti-Money Laundering Law matapos ang pagtatago ng $81 million na ninakaw mula sa Bangladesh Bank gamit ang financial system ng bansa at ang industriya ng casino.
Tiniyak ni Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte, Jr. na tatrabahuhin ng susunod na 17th Congress ang pagpapalakas sa mandato ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kasunod ng $81-million cyber heist.
“Amending the Anti-Money Laundering Law is a must and will surely a must in the next Congress,” pahayag ni Belmonte.
Masugid na nangangampanya ang public advisory group na Foundation for Economic Freedom (FEF) para sa pag-aamyenda sa Anti-Money Laundering Act (AMLA), upang sakupin ang mga casino, real estate transaction, at art purchases.
Binanggit nito ang pangangailanan na mabigyan ang AMLC ng kapangyarihan na kaagad mai-freeze ang mga kahina-hinalang account sa ilalim ng mga tiyak na kondisyon.
Naunang sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Amando M. Tetangco Jr., chairman ng AMLC, na kailangan ng AMLC ng “extra authority” upang mapigilan ang “dirty money” na makapagtago sa batas o maglaho sa sistema sa sandaling mapansin.
Nagpahayag ang FEF, pinamumunuan ni dating finance secretary Roberto de Ocampo, na suportado rin nito ang pagpapaluwag sa ilang probisyon ng Bank Secrecy Law na humaharang sa imbestigasyon ng banking at Anti-Money Laundering authorities sa mga kahina-hinalang account, para sa pagpaparusa sa money laundering, drug dealing, terrorist activities, at iba pang malalaking krimen. (Charissa Luci)