Pinuri ng Commission on Human Rights (CHR) ang ipinataw ng Angeles City Municipal Trial Court na parusang apat na taong pagkakakulong sa dalawang pulis na sangkot sa pagpapahirap sa itinurong nasa likod ng pagpatay ng isang banyaga.
“Ito ang unang conviction simula nang maipasa ang Anti-Torture Act of 2009. Naisip mo ba kung gaano na katagal ‘yun?” pahayag ni CHR Commissioner Chito Gascon.
Ito ay matapos patawan ni Judge Irineo Pangilinan, Jr., ng Angeles City MTC Branch 1, sina PO2 Aries Amposta at PO2 Jerrick Dee Jimenez ng apat na taong pagkakakulong dahil sa pag-torture kay Jerryme Corre, na itinuturong sangkot sa pagpatay ng isang banyaga noong 2012.
Si Jimenez ay nasa kostudiya na ng awtoridad habang si Amposta at dalawa pang suspek ay pinaghahanap pa rin ng pulisya.
Iginiit ni Corre na sinaktan at pinahirapan siya ng mga pulis upang aminin na siya ang pumatay sa isang banyaga.
Itinigil lang ang pag-torture sa biktima nang humingi na ng tulong ang nobya ni Corre sa CHR noong Enero 2012.
Lumitaw din sa imbestigasyon na napagkamalan lang si Corre na ang pinsan niyang si Wilberto Corre Seno, na
isinasangkot sa pagpatay sa banyaga. (Rizal S. Obanil)