KIDAPAWAN CITY – Sinuyod ng mga operatiba ng Regional Public Safety Battalion (RPSB)-Region 12 at Cotabato Provincial Police Office (CPPO) ang pitong gusali sa Spottswood Methodist Center, na roon pansamantalang nanunuluyan ang libu-libong magsasaka ng North Cotabato bago ang marahas na dispersal operation laban sa kanilang grupo sa Makilala-Kidapawan highway, kamakalawa.
Subalit nabokya ang pulisya sa paghahanap ng ebidensiya laban sa mga demonstrador, na karamihan ay miyembro ng Apo Sandawa Lumadnong Panaghiusa sa North Cotabato, na nagtatag ng barikada sa Makilala-Kidapawan highway.
Ayon sa sources, hindi bababa sa 43 ang mga raliyistang nasa kostudiya ng pulisya sa isang gymnasium sa Kidapawan City.
Sinabi rin ng pulisya na inihahanda na ng pamahalaang lungsod ang paghahain ng mga kasong economic sabotage, obstruction of traffic flow, exploitation of women and children, at harassment against person in authority laban sa mga ito.
Bagamat maraming magsasaka ang humihiling ng katarungan matapos mapatay ang tatlo nilang kabaro habang 20 iba pa ang nasugatan sa isinagawang dispersal operation, sinabi ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na mayroon din aniyang mga pulis na nasugatan sa insidente.
“I pity our policemen. They are there to secure the highway. We observed maximum tolerance,” ayon kay Evangelista.
(MALU CADELINA MANAR)