LOS ANGELES (AP) — Nakamit ni Conor McGregor ang minimithing rematch kay Nate Diaz sa UFC 200 sa Hulyo.
Ipinahayag din ng UFC nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila), na magtutuos ang pamosong sina Jose Aldo at Frankie Edgar para sa interim featherweight title.
Matatandaan, nasorpresa ni Diaz ang MMA fans nang gapiin ang liyamadong si McGregor via submission sa ikalawang round ng kanilang welterweight bout nitong Marso 5 sa UFC 196 – itinuturing pinakamabenta sa pay-per-view sa kasaysayan ng UFC.
Muli silang maglalaban para sa 170-pound welterweight limit.
Nanatili namang kampeon si McGregor sa UFC 145-pound division, ngunit maglalaban sina Aldo at Edgar sa interim belt bago ang unification fight kontra kay McGregor.
Hawak ni Aldo ang featherweight title sa mahabang panahon bago siya napatulog ni McGregor noong Disyembre. Dati namang kampeon sa lightweight division si Edgar.
Gaganapin ang UFC 200 sa Hulyo 9 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.