BAUANG, La Union – Pinatay ng isang sea snake, na tinatawag na walo-walo, ang isang limang taong gulang na lalaki na tinuklaw nito sa dalampasigan ng Barangay Pugo sa bayang ito noong Lunes.

Kinilala ni Mike Zarate, ng Bauang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, ang biktimang si Roni Mirote.

Ayon kay Zarate, ang ahas ay nahuli ng ama ng bata, si Charlie Mirote, habang nangingisda sa dagat, gamit ang isang lambat.

Nabatid na habang abala ang mga mangingisda sa pagdidiskarga ng kanilang mga huli mula sa bangka, lumapit ang bata at hinawakan umano ang ahas, na tinuklaw siya sa dibdib.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Makalipas ang ilang minuto, nawalan ng malay ang paslit at isinugod sa ospital, pero hindi na ito umabot nang buhay.

Sinabi ni Zarate na walo-walo ang tawag ng mga mangingisda sa lugar sa nasabing ahas.

Batay sa pananaliksik, ang mga sea snake o coral reef snake ay mula sa lahi ng makamandag na elapid snake na nakatira sa pusod ng dagat. Kalahi rin nito ang makamandag din na terrestrial snake.

Hugis sagwan ang buntot ng sea snake at karamihan ay flat ang katawan kaya karaniwang napagkakamalang eel o igat.

(Erwin G. Beleo)