Naglaan ng P250,000 pabuya si Malabon City Rep. Jhaye Lacson-Noel para sa ikadarakip ng mga suspek sa pananambang at pagpatay sa dalawang barangay kagawad sa lungsod nitong Miyerkules Santo.

Ayon kay Noel, malaking tulong ang pabuya upang mapadali ang paghuli sa mga suspek, katulad ng ginagawa ng iba pang mga lungsod kapag may pinapaslang na opisyal ng gobyerno o kilalang personalidad.

Matatandaan na binaril ng isa sa dalawang hired killer ang mga barangay kagawad na sina Benjo Reyes, 42, ng Barangay Concepcion; at Dan Villaluna, 44, ng Dampalit, Malabon City, nitong Marso 23, dakong 2:00 ng hapon, sa harap ng isang gasolinahan sa panulukan ng Sacristia at General Luna Street.

Nabatid na nagpapakarga ng gasolina ang dalawang kagawad sa sinasakyan nilang L-300 nang lapitan sila at pagbabarilin ng isa sa mga suspek.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Kasabay nito, kinondena ni Noel ang mga patayan sa Malabon City, lalo pa at ang mga pinapatay ay mga lingkod bayan.

Kamakailan, tinambangan at pinagbabaril din si 2nd District Councilor Melvin Mañalac habang papalabas sa kanyang bahay sa Bgy. Potrero patungo sa pulong ng political leaders. (Orly L. Barcala)