NEW YORK (AP) – Pumanaw na si Jim Harrison, ang fiction writer, poet, outdoorsman at traveler na sumikat noong kanyang kasibulan nang mailathala ang kanyang historical saga na Legends of the Fall. Siya ay 78 anyos.
Ayon kay Deb Seager, tagapagsalita ng publisher ni Harrison na Grove Atlantic, pumanaw ang awtor nitong Sabado sa bahay nito sa Patagonia, Arizona. Hindi alam ni Seager kung ano ang ikinamatay ng manunulat. Nitong taglagas lang pumanaw ang asawa ni Harrison ng mahigit 50 taon na si Linda King Harrison.
Mahigit 30 libro ang nailathala ni Harrison, ang huli ay ang koleksiyon ng nobela na The Ancient Minstrel, na hinangaan sa buong mundo. Madalas na ikinukumpara kay Ernest Hemingway dahil sa rami at pagkakaiba-iba ng kanyang interes — bukod pa sa balbas-sarado rin siya — si Harrison ay mangangaso at mangingisda na kuntentong nagpapalipas-oras sa isang cabin malapit sa kanyang bayan sa Michigan. Siya ay sports writer, biyahero, kuwentista, at malakas kumain. Mahilig ding uminom ng alak si Harrison bilang isang Hollywood scriptwriter na malapit na kaibigan ni Jack Nicholson, at nakapalagayang-loob din sina Sean Connery, Orson Welles, at Warren Beatty.
Inilathala noong 1979, ang Legends of the Fall ay koleksiyon ng tatlong nobela na nagtatampok sa title story tungkol sa ranchero mula sa Montana na si Col. William Ludlow at sa kanyang tatlong anak na lalaki na magkakaiba ang personalidad at ugali. World War I ang simula ng kuwento, na umabot sa kalagitnaan ng ika-20 siglo, mula sa San Francisco hanggang sa Singapore.
Naging best-seller ang libro, at isinulat ni Harrison ang script para sa pelikulang may kaparehong titulo at tumanggap ng Oscar nomination noong 1994, na pinagbibidahan nina Brad Pitt, Anthony Hopkins, at Aidan Quinn. Si Harrison din ang sumulat ng screenplay ng mga pelikulang Revenge, na pinagbibidahan ni Kevin Costner; at ng Wolf ni Jack Nicholson.
Taong 1959 nang pakasalan ni Harrison si Linda King at nagkaroon sila ng dalawang anak na babae.