Simula sa susunod na buwan ay makatatanggap na ng dagdag-sahod ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos aprubahan ni Pangulong Aquino ang isang executive order na nagkakaloob ng karagdagang benepisyo sa mga kawani ng gobyerno.

Sinabi ni Director Danilo Pelisco, ng Directorate for Comptrollership, na ang matatanggap ng mga pulis sa susunod na buwan ay unang bahagi pa lamang ng karagdagang benepisyo ng Malacañang.

“The grant of additional benefits, in the form of monthly Provisional Allowance for Military and Uniformed Personnel, Officers’ Allowance and increased Hazard Pay will be implemented in the next pay period in April,” pahayag ni Pelisco.

Aniya, ang increase differentials para sa Enero, Pebrero at Marso 2016 ay ipamamahagi na bukas sa pamamagitan ng kani-kanilang payroll account sa Landbank of the Philippines.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandaan na nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order 201 nitong Pebrero matapos maantala dahil sa ilang hindi pagkakasundo sa Salary Standardization Law.

Nakasaad sa EO 201 na ipatutupad sa loob ng apat na taon, simula 2016, ang Modified Salary Schedule para sa mga civilian personnel at karagdagang benepisyo para sa militar at pulisya.

Sinabi ni Pelisco na ang unang bugso ng monthly provisional allowance para sa uniformed police personnel ay mula P342 para sa Police Officer 1 hanggang P2,651 para sa Senior Police Officer IV; at P4,092 para sa Police Inspector hanggang P9,708 para sa Police Chief Superintendent.

Ang Hazard Pay ng uniformed PNP personnel ay tataas mula sa kasalukuyang monthly rate na P240 sa P390 ngayong 2016, na may katumbas na taunang pagtaas hanggang P840 sa 2019. - Aaron Recuenco