PARA sa ating mga halal na opisyal at para sa mga kandidato sa eleksiyon sa Mayo, mahalagang ikonsidera ang natuklasan ng Social Weather Stations (SWS) survey kung ano ang mahalaga para sa mga botante ng bansa.
Bilang tugon sa katanungan: “Sa iyong opinyon, alin sa mga sumusunod na programa ang pinakakarapat-dapat sa karagdagang pondo?”, tinukoy ng mga respondent ang pagkakaloob ng trabaho at edukasyon para sa mahihirap bilang dalawang pinakamahalaga para sa kanila.
Noong unang bahagi ng Enero, tinanong sa isang survey ng Pulse Asia ang publiko kung alin ang pangunahing isinusulong nila. Tinukoy sa survey na ito ang pagkontrol sa inflation o pagtaas ng mga bilihin at ang mas mataas na pasahod para sa mga manggagawa.
Malinaw sa dalawang survey na pangunahing alalahanin ng mamamayan ang mga usaping pang-ekonomiya—na nakaaapekto sa kanilang buhay. Batid nilang sa kabuuan ay maayos ang sitwasyon ng bansa dahil sa sumisigla nitong ekonomiya, ngunit hindi pa ramdam ang pambansang kaunlaran—“trickled down”, sa termino ng ilang ekonomista—sa masa.
Kaya naman sinabi ng mga nakibahagi sa SWS survey na dapat na magkaloob ang gobyerno ng mas maraming pondo para madagdagan ang trabaho para sa mas maraming mamamayan. Maaaring maraming trabaho ngayon sa bansa, gaya ng sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang talumpati kamakailan, ngunit mas marami pa ang kinakailangan. Totoong maraming bakanteng trabaho sa maraming kumpanya para sa mga posisyon sa information technology, engineering, sales at marketing, ngunit kakaunti lang ang mga pangkaraniwang trabaho para sa mga walang espesyal na pagsasanay. Sinasabing malawakang kahirapan pa rin ang pangunahing problema ng bansa. Ang unang hakbangin sa anumang solusyon sa problemang ito ay ang pagkakaloob ng mas maraming trabaho sa mamamayan.
Para sa mga kakaunti lang ang panggastos—gaya ng mga walang hanapbuhay—malaking alalahanin ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tulad na rin ng tinukoy sa Pulse Asia survey.
Ang susunod na tatlong programang nanguna sa SWS survey ay ang paglaban sa kurapsiyon, pagpigil na tumaas ang presyo ng mga bilihin, at pagkain para sa mahihirap. Nasa dulo ng listahan ang paglaban sa krimen, serbisyong kalusugan para sa lahat, pagtatanggol sa mga teritoryo ng Pilipinas, at paglaban sa rebelyon.
Mahalaga ang lahat ng programang ito kaya naman hinihimok ang gobyerno na maglaan ng mas maraming pondo para rito. Ngunit ang pinakamahalaga para sa mamamayan, batay sa lumitaw sa survey ng SWS, ay ang pagkakaloob ng mga trabaho at edukasyon para sa maralita—na makatutulong upang magkaroon sila ng mas magandang pagkakakitaan. Hinihimok ang mga mahahalal na opisyal sa ehekutibo at lehislatibo na isaisip ito kapag sinimulan na nila ang kanilang termino sa Hulyo at binalangkas na ang kani-kanilang mga plano para sa bansa at para sa mamamayan.