EASTER Sunday o Pasko ng Pagkabuhay ngayon. Tinatawag din itong Linggo ng Pagkabuhay. Sa puso ng mga Kristiyano, may hatid na galak, kaligayahan at pagbubunyi ang araw na ito sapagkat ginugunita, ipinagdiriwang at sinasariwa ang tagumpay ni Kristo mula sa kamatayan sa Kanyang muling pagkabuhay.
Sa araw na ito, ang kalungkutan sa loob ng mga simbahan na namayani at nangibabaw sa panahon ng Kuwaresma lalo na noong Semana Santa, ay muling mapapalitan ng kasiglahan, magkakaroon na muli ng palamuting bulaklak sa mga altar. Muli na ring maririnig ang masayang repeke o kalembang ng kampana. Paiilawan na rin ang altar ng mga kandila. Aawitin na rin sa misa ang “Papuri sa Diyos” o Gloria in Excelsis Deo.
Sa paniniwala ng mga Kristiyano, ang Linggo ng Pagkabuhay ay may natatanging liturgical significance sapagkat ginugunita ang pagkakatatag ng Bagong Simbahan at ang katuparan ng pagmamahal sa tinatawag na “Mystical Body of Christ” o Mistikong Katawan ni Kristo. Ito ay binabanggit sa isa sa mga bahagi ng encyclical ni Pope Pius Xll (Mystici Corporis) na nagsasabi na habang si Kristo’y nakabayubay sa krus, hindi lamang katarungan ang natanggap ni Kristo sa Diyos, kundi napagtagumpayan din Niya para sa atin na Kanyang mga kapatid ang walang katapusang pagtanggap ng mga biyaya.
Ayon pa sa pahayag ni Pope Pius Xll, “kung bibigyan natin ng katuturan at ilalarawan ang simbahang ito ni Kristo na Iisa, Banal, Pandaigdig at Apostoliko—hindi na tayo makatatagpo pa ng ibang salitang higit na marangal, dakila o lalo pang makalangit kaysa sa salitang Mistikong Katawan ni Kristo.”
Kaugnay naman ng kasayahang hatid ng Linggo ng Pagkabuhay, ang pagdaros at pagbuhay ng iba’t ibang tradisyon at kaugalian. Isa na rito ang “Salubong” o ang pagkikita ng Kristong muling nabuhay at ng Mahal na Birhen.
Sa Angono, Rizal, idinadaos ang salubong sa kung tawagin ay “Galilea” sa Bloomigdale subdivision, Barangay San Pedro.
May isang batang babaeng “anghel” na mag-aalis ng itim na lambong sa Mahal na Birhen. At habang ibinaba upang alisin ang itim na lambong, ang lahat ng mga nagsisimba ay umaawit ng Regina Coelio Reyna ng Langit.
Bahagi rin ng salubong sa Angono, Rizal ang dalawang sayaw na ginagawa ng “tenyenta” at “kapitana” (dalawang dalaga) na alay sa Mahal na Birhen at sa Kristong Muling Nabuhay. Unang sasayaw ang tenyente na may hawak na bandera sa saliw ng National Symponic Band of Angono. Kasunod nito ang pagtula ng “Kapitana” na binubuo ng 32 saknong.
Ang Salubong sa Angono, tuwing Easter Sunday, ay isang tradisyon na hindi nalilimot na bigyang-buhay.