Ni ALEXANDER D. LOPEZ
DAVAO CITY – Nauwi sa trahedya ang company at family outing na idaraos sana sa Aliwagwag Falls sa pagtatapos ng bakasyon para sa Semana Santa nang maaksidente ang sinasakyan nilang Elf truck habang binabaybay ang Mati City-Cateel national highway sa Caraga, Davao Oriental nitong Biyernes.
Ayon sa paunang report ng pulisya, tatlong pasahero ng Elf truck (LGG-957) ang nasawi habang 20 iba pa ang nasugatan sa aksidente.
Batay sa report, nawalan ng kontrol sa truck ang driver na si James Antolin kaya nangyari ang aksidente.
Ang mga pasahero ay pawang empleyado ng LYR Marketing, isang kumpanyang nakabase sa Tagum City. Kasama ng mga empleyado ang kani-kanilang pamilya para sa company outing sa Aliwagwag Falls.
Kinilala ang mga nasawi na sina Bryan Tuba Cano-og, 18; Vicente Malayan, 30; at Ian Matildo, 21, pawang taga-Tagum City, Davao del Norte.
Sugatan naman sina Desiree Batiam Sila, supervisor ng LYR Marketing; Beverly Ramos, 24; Cherylyn Villegas, 30; Jane Karl Amit; Rene Dayo, 31; Herald Yanong, 21; Arvin Belen, 25; Rona Rose Ramad; Jonilyn Pastor,; Gilbert Tanduyan, 22; John Reyn Sonsona, 17; Christian Villarin, 28; Elena Antolin, 39; Jamila Fe Antolin, 9; Ellen Fuena Antolin, 5; Jonard Milgard, 23; Reynaldo Odita, 18; Mark Clint Sambron, 34; Randy Galang, 29; at Reynaldo Odita, 18 anyos.