IPAPALABAS sa mga sinehan sa Pilipinas simula ngayong Sabado de Gloria ang obra-maestra ni Lav Diaz na Hele Sa Hiwagang Hapis na pinarangalan ng Silver Bear award sa Berlin International Film Festival kamakailan.
Ang Star Cinema ang sumugal sa paghahatid ng walong oras na pelikula sa mga Pilipino sa mga piling sinehan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Gumaganap sina Piolo Pascual at John Lloyd Cruz sa Hele Sa Hiwagang Hapis bilang sina Crisostomo Ibarra/Simoun at Isagani, mga karakter mula sa Noli Me Tangere at El Filbusterismo ni Dr. Jose Rizal. Isasalin ni Lav Diaz sa Hele ang kasaysayan ni Andres Bonifacio kasabay ng pagtalakay sa rebolusyon at iba pang mahahalagang pangyayari bago isinilang ang malayang Pilipinas. Tatahiin ni Lav Diaz ang kasaysayan, mga alamat at iba pang magkakaugnay na mga kuwento upang ipakita kung paano nito nabubuo ang bawat isang Pilipino at ang epekto nito sa kahihinatnan ng bansa.
Ang Hele ayon sa premyadong filmmaker ay malapitang pagsusuri sa isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
“Star Cinema and ABS-CBN has always believed in the artistry of the Filipino. By throwing our full support to this magnificent film, we hope to inspire both filmmakers and filmgoers to continue to love and promote our own,” pahayag ni Malou Santos, top gun ng Star Cinema/Star Creatives.
Mainit na pinag-usapan sa entertainment industry sa buong mundo ang Hele Sa Hiwagang Hapis nang gawaran ito ng Alfred Bauer Prize sa Berlin International Film Festival last month. Ang nasabing parangal ay ipinagkakaloob sa isang pelikula na nagbubukas ng bagong perspektibo sa filmmaking arts.
Kasama nina John Lloyd Cruz at Piolo Pascual sa cast ng Hele Sa Hiwagang Hapis sina Cherie Gil, Alessandra de Rossi, Sid Lucero, Angel Aquino, Ronnie Lazaro, Bernardo Bernardo, at Hazel Orencio na gumanap bilang si Gregoria de Jesus o Ka Oryang, ang biyuda ni Bonifacio. (DINDO M. BALARES)